Bilang isang bansa na binubuo ng maraming isla at napapaligiran ng tubig-dagat, kilala ang Pilipinas na isa sa mga may maganda at maraming yamang-dagat. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit marami ang nagnanais na sakupin ang ating bansa maging hanggang sa kasalukuyang panahon.
Kamakailan lang ay may balita na namang kumalat sa social media kung saan makikita ang malalaking isda na nahuli sa karagatan ng Pilipinas. Ang nagbahagi ng balitang ito ay kinilala na si McAdam Datucali Pundaodaya mula sa Sultan Naga Dimaporo, Lanao Del Norte. Sa kanyang mga ibinahaging larawan ay makikita na sa sobrang laki ng isda ay kinakailangang magtulungan ang dalawang tao para ito ay mabuhat mula sa dagat papunta sa pampang.
Hindi lamang isa ang nahuli ng mga mangingisda sa lugar ng Lanao Del Norte at ayon sa mga netizens na nakakita sa post ni McAdam, ang mga isdang ito ay itinuturing ng endangerd species at hindi dapat hinuhuli o pinapatay sa halip ay dapat pangalagaan at hayaang mabuhay sa karagatan.
Ang isdang ito ay tinatawag na Goliath grouper. Isang uri ng isda na may malalaking ngipin at panga na parang kamukha ng tilapia. Ito daw ay madalas hulihin sa karagatan ng Amerika kaya naman ipinabilang na sila sa listahan ng endangered species dahil kakaunti nalang ang kanilang lahi at nangnganib na tuluyang mawala ito kapag patuloy ang paghuli sa kanila.
Marami ang nag-react at nagkomento sa nasabing post ni McAdam at ang ilan sa kanila ay nalungkot sa ginawa ng mga mangingisda. Ayon sa ilan sana ay hindi nalang nila hinuli ang isda na hindi familiar sa kanila dahil baka hindi din naman nila ito makain. Sabi naman ng ilan sana ay isa lang ang kanilang hinuli at hinayaan nalang mabuhay yung ibang isda.
Sa kabila ng malulungkot na pangyayaring ito, hindi padin maiiwasan na magbiro ng mga netizens. Sabi ng isang nagkomento, maraming mantika ang kakailanganin para ma-iprito nila ang isda at kulang ang isang drum para maluto ito. Samantalang ang ilan naman ay nagtatalo kung iluluto ba ng buo ang isda o magtatiyaga silang hatiin ang malaking isda na ito na akala mo ay sila ang nakahuli ng isda at sila pa itong malaki ang problema kung paano lulutuin ang Goliath grouper.
Nawa ay makita ng gobyerno ang mga ganitong pangyayari at mabigyan ng aksyon ang panghuhuli ng mga endangerd species sa dagat man o sa lupa.