Sa hirap ng panahon ngayon, hindi maiiwasan na may mga taong gumagawa ng mga bagay na labag sa batas o kahit anong paraan para kumita lamang ng pera. Parang naging natural nadin sa ating lipunan ang mga babae na tinatawag nilang “gold digger”. May mga prank videos pa nga na nagpapakita na pagdating sa pera ay nagiiba ang pananaw ng mga kababaihan sa mga kalalakihan at kahit na matanda na nag mga ito ay nagagawa nilang pakisamahan para lang sa pera.
Kaya naman ng makita ng mga netizens ang isang larawan na ibininahagi ng isang babae sa social media kung saan nakasuot siya ng wedding gown habang hawak-hawak ang kamay ng isang matandang lalaki ay inakala ng karamihan na isa na naman itong kwento ng babaeng “gold digger”.
Ngunit nagulat ang lahat ng malaman ang totoong kwento sa likod ng nasabing larawan. Si Fu Xuewei ay isang dalagang may edad na 25 taong gulang at isang entrepreneur sa Chengdu China. Siya ang nagbahagi ng larawan na naging viral sa social media. Ipinakilala niya sa mga netizens na ang matandang lalaki na kasama niya sa larawan ay ang kanyang lolo na 87 taong gulang na!
Wala man balak mag-asawa si Xuewei, ay ginusto niyang magsuot ng wedding gown para sa mahal niyang lolo. Matagal ng gusto ng matanda na ihatid ang kanyang apo sa altar habang ikinakasal ito ngunit noong buwan ng Setyembre ay nagkaroon ito ng malalang karamdaman. Sa katunayan ay sinabihan ang pamilya nila Xuewei ng doctor na ano mang oras ay maaring bawiin ng buhay ang matanda. Kaya naman minabuti ng dalaga na tuparin ang pangarap ng kanyang lolo na makita siyang nakasuot ng wedding gown. Inayos nga ng dalaga ang lahat ng kanyang plano at dinala ang lolo niya sa simbahan at doon ay naglakad sila papunta sa altar at nagpakuha ng litrato para may remembrance ang dalaga sa lolo niya.
Lumaki sa kanyang lolo at lola ang dalaga matapos na maghiwalay ang kanyang mga magulang noong siya ay 10 taong gulang pa lamang. Nag-aral man sa ibang bansa gaya ng Switzerland at Singapore, ay hindi padin nito nakakalimutan ang ang mga taong nag-alaga sa kanya lalo na ang kanyang lolo. Sa katunayan nga ay nagpa-tattoo pa siya ng mukha nito sa kanyang braso.
“I had my grandfather’s portrait tattooed on my arm in January because I want my new friends and my children to be able to know what he looks like in the future.”, sabi pa ni Xuewei.
Dahil din umano sa pagkakasakit ng kanyang lolo ay nag-iba ang kanyang pananaw sa buhay at mas pinahalagahan kung anong meron siya sa kasalukuyan.
Napakaganda ng kwento sa likod ng viral na larawan. Kaya naman huwag tayong basta-basta humuhusga sa mga bagay o di kaya naman mga tao na hindi natin ganoon kakilala dahil hindi natin alam kung ano ang totoong kwento ng buhay nila.