Kahit na Umuulan ng Malakas, Namahagi Pa din ng Libreng Taho si Kuya Ngayong Pasko!

Ngayon kapaskuhan naging kaugalian na nating mga Pilipino na magbigayan ng mga regalo. Sabi nga ng karamihan mas masaya ang pasko sa Pilipinas dahil maliban sa mga makukulay na parol, dekorasyon at masasarap na pagkain ay ramdam na ramdam ang pagmamahalan sa isa’t isa. Mayaman man o mahirap ay ginagawa nating lahat na maging espesyal ang araw ng kapaskuhan lalo na sa mga bata. Sa panahon ding ito madalas tayong makakakita ng mga dakilang tao na bukal ang pusong tumulong sa kapwa o di kaya ay magbahagi ng kanilang pagpapala ng walang hinihinging kapalit.

Isang kwento nga ng magtataho ang naging viral sa internet dahil sa kanyang ginawa sa araw ng kapaskuhan. Ang kwento niya ay ibinahagi ni Anita Lescano Beato sa kanyang Facebook account. Malakas ang ulan noong ika-23 ng Disyembre at nakita niya ang magtataho na nasa labas ng kanilang bahay. Naawa si Anita sa lalaki na kailangan pang magbenta ng taho kahit na malakas ang ulan. Nakasuot ng kapote ang lalaki habang dala-dala nito ang kanyang paninda. Lumabas si Anita ng bahay nila para bumili ng taho at makatulong kahit papano sa lalaki lalo na at magpapasko.




Laking gulat ni Anita ng hindi tinanggap ng lalaki ang bayad sa binili niyang taho. Ayon sa lalaki ay ito ang paraan niya ng pagbabahagi ng pamasko sa mga tao sa kanilang lugar lalo na sa kanyang mga suki. Sabi pa ng magtataho ay paraan niya din ito ng pagpapasalamat sa mga taong tumatangkilik sa kanyang produkto at sa tumutulong na magkaroon siya ng kita sa loob ng isang taon.



Namangha si Anita sa kanyang narinig mula sa magtataho kaya naman hindi niya napigilan ang sarili na ibahagi ang kwentong ito sa social media. Naging inspirasyon ang magtataho kay Anita at sa mga taong nakakita ng kanyang larawan sa internet. Sabi nga isa sa mga nagkomento, “Kung sino pa ang mahirap siya pa ang may mabuting puso,”. Samantala ang ilan ay sinabing dapat maipalabas daw ang kwentong ito sa Kapuso Mo Jessica Soho para maging inspiraspon sa nakararami.



Tunay ngang hindi hadlang ang iyong estado sa buhay kung gusto mong makatulong sa kapwa o simpleng magbigay ng ngiti sa kanilang labi. Nawa ay maging hangarin ng bawat isa na magbahagi sa ating kapwa ng mga bagay na meron tayo, araw man ng Kapaskuhan o hindi.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *