Santa Klaus na Jeepney Driver, Taon-taon na Nagbibigay ng Libreng Sakay sa Kanyang Mga Pasahero sa Araw ng Pasko!

Marami sa atin ang naghahangad na makatanggap ng regalo o di kaya naman ay kahit na anong libre ngayong panahon ng kapaskuhan. Kaya naman masaya ang mga empleyado kapag nakakatanggap na ng 13th month pay o di kaya naman ay bonus. Ang ilang kompanya naman ay nagbibigay ng mga Christmas basket sa kanilang mga empleyado para mayroon na silang ihahanda sa araw ng kapaskuhan. Ngunit may ilang mga tao na hindi nabigyan ng pribilehiyo na makatanggap ng ganitong mga pagpapala.Kailangan pa nilang pahirapan ang mga pagkain na ihahain nila sa hapagkainan sa araw ng pasko. Sa kabila ng kahirapang ito makikita mo padin ang mga ngiti sa kanilang labi at ang ilan nga sa kanila ay handa pang magbigay sa kapwa ng hindi humihiling ng kahit anumang kapalit. Sila ang mga tinaguriang modernong Santa sa kasalukuyang panahon.


Isa na nga dito ang manong driver na naging viral sa social media dahil sa pagbibigay niya ng libreng sakay sa kanyang mga pasahero!

Hindi na binigyan pa ng pangalan ang matandang driver ng isang pampasaherong jeep sa larawan na ibinahagi ng babaeng nagngangalang Prudence Mae Abellanosa Enerlan sa kanyang Facebook account. Ayon sa kanya, papasok siya noon sa trabaho araw ng pasko at maaga siyang nag-abang ng jeep dahil baka hindi siya makasakay agad sa dami ng mga pasahero. Sumakay siya sa isang jeep at naupo sa front seat. Pag-akyat na pag-akyat niya palang ay binati na siya kaagad ng driver ng “Good Morning and Merry Christmas”.


Ikinatuwa ito ni Mae at nagulat siya noong may magbabayad di umano ng pamasahe ay hindi tinanggap ng driver ang bayad dahil libre daw ang sakay sa kanya ngayong araw ng Pasko. Ibinalik sa pasahero ang iniabot na bayad at nagpasalamat ito sa driver. Kinausap si Mae ng driver at sinabing ginagawa niya daw ang bagay na ito taon-taon tuwing Pasko. Libre ang kanyang mga pasahero sa unang byahe niya tuwing kapaskuhan.



Nakakataba ng puso na malamang marami pa din ang mga ganitong tao na may busilak na kalooban. Makikita sa larawan na matanda na ang nasabing driver at kung iisipin ay siya dapat ang binibigyan ng pamasko ng mga taong mas bata sa kanya ngunit hindi naging hadlang ang kanyang sitwasyon at edad para ipadama sa mga tao ang tunay na diwa ng Pasko.

Nakakita ka na din ba ng modernong Santa Klaus?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *