Sa Sipag at Tiyaga, Nagpursige si Tatay na Kargador Upang Makapagtapos ang Kanyang Anak sa Kolehiyo!

Alam nating lahat na malaki ang nagagawa ng edukasyon sa magiging kinabukasan ng ating mga anak ngunit dahil sa kahirapan na ating nararanasan ay madalas naisasantabi natin ang bagay na ito para bigyang prioridad ang kumakalam na sikmura. Ngunit sa panahon ngayon, marami sa ating mga kababayan ang namulat na sa kahalagahan ng edukasyon. Kaya naman kahit mahirap magpatapos ng isang anak sa kolehiyo ay talaga namang ginagawan ito ng paraan ng mga magulang at marami na tayong narinig na ganitong kwento. Isa na rito ang proud na anak sa kanyang tatay na isang kargador.




(Courtesy: facebook/mailynakoy)

Ang naturang anak ay si Mailyn Esquelito Akoy at hindi siya nahihiyang ipakilala sa lahat na ang kanyang ama ay isang kargador dahil maliban sa ito ay isang marangal na trabaho, malaking tulong din ito para siya ay makapagtapos sa kolehiyo. Ang ina naman ni Mailyn ay madalas naiiwan sa bahay para mag-asikaso ng iba niya pang mga kapatid.

(Courtesy: facebook/mailynakoy)




Aminado si Mailyn na lumaki siya sa isang mahirap na pamilya at natatandaan niya na mahigit sampung taon din silang nanirahan sa isang squatters area matapos matupok ng apoy ang kanilang bahay. Ayon pa sa dalaga, nagpapasalamat siya sa kanyang ina dahil hindi nito hinayaang may mapahamak sa kanilang magkakapatid kahit na masunog na ang kaniyang braso.

(Courtesy: facebook/mailynakoy)
(Courtesy: facebook/mailynakoy)

Maliban sa pag-aaral ng mabuti ay naghahanap din ng ibang pagkakakitaan si Mailyn upang makatulong siya sa mga gastusin ng pamilya. Ilan nga sa kanyang mga ginagawa ay ang pag-tutor sa mga estudyante, pagbabalot ng chicharon sa kapitbahay at minsan din siyang naging working student. Iniiwasan din niya ang mga extra curricular na gawain sa paaralan lalo na kung nangangailangan ito ng mga kontribusyon dahil nais niyang ilaan ang perang naiipon para sa pagkain ng kanyang pamilya.


(Courtesy: facebook/mailynakoy)
(Courtesy: facebook/mailynakoy)

Sa larawang ibinahagi ni Mailyn sa kanyang Facebook account ay makikita ang kanyang ama na punong-puno ng alikabok sa buong katawan habang binubuhat ang isang sako ng semento. Ibinahagi niya ito sa social media para ipagsigawan sa buong mundo na nakapagtapos siya ng pag-aaral dahil sa sipag at tiyaga ng kaniyang mga magulang.



Ang nasabing larawan ay umani ng maraming papuri mula sa mga netizens at saludo sila sa lahat ng magulang na ginagawa ang lahat para lang mabigyan ng maayos na buhay ang kanilang mga anak.

Tunay ngang walang pangarap na mahirap abutin kung buo ang iyong loob at marunong kang dumiskarte sa buhay.