Netizen na Tumulong sa Isang Palaboy, Nagulat sa Galing Nito sa Pagsasalita ng Ingles at Kung Anong Klase ang Buhay Niya Dati!

Madalas iniiwasan natin ang mga palaboy na nakikita natin sa kalye dahil ayaw nating maabala sa ating lakad o di kaya naman ay nahuhusgahan agad natin sila dahil sa panlabas nilang anyo. May mga pagkakataon pa nga minsan na naiisip nating sana nagtrabaho nalang sila para kumita ng pera at hindi namamalimos sa kalsada. Ngunit, kung malalaman lang natin ang kanilang mga kwento at dahilan kung bakit sila nauwi sa pagiging isang palaboy maaring magulat tayo o di kaya naman ay manlumo sa kanilang sinapit. Ganito ang nangyari sa isang babae na nagngangalang Faye Areas nang makausap niya ang pulubi na si Jansen Locsin, 70 taong gulang.



Ayon sa Facebook post ni Faye, naglalakad siya noon sa mall nang makita ang matandang lalaki na nagsasalita sa wikang Ingles habang namamalimos.

“Please don’t get mad. And Sorry to bother you but I’m not gonna ask for money, I’ll be asking for food to eat ‘coz I’m hungry.”, wika nito sa dalaga.

Nagtaka si Faye kung bakit naging pulubi ang lalaking ito gayong napakagaling niya sa wikang Ingles. Namangha din siya dahil hindi pera ang habol nito kundi ang malagyan lang ng pagkain ang kumakalam niyang sikmura.


Dahil dito,dinala ni Faye ang matanda sa isang kainan at doon na ito nagsimulang magkwento ng kaniyang buhay. Ayon kay Tatay Jansen, naging propesor di umano siya sa Ateneo de Manila at Unibersidad ng Pilipinas ngunit mas pinili niyang umuwi ng Cebu para magsimula ng negosyo. Noong una ay naging maganda ang takbo ng kaniyang pinasok na negosyo ngunit di kalaunan ay nalugi ito. Sinubukan niyang humingi ng tulong sa kaniyang mga kaibigan ngunit ni isang kusing ay wala siyang natanggap mula sa kanila kaya tuluyan ng naglaho ang negosyong kanyang pinaghirapan.

Maliban sa kwento ng kaniyang buhay ay napag-usapan din ni Faye at Jansen ang ilang bagay kagaya ng edukasyon, ekonomiya at maging kasaysayan ng bansa. Nagulat ang dalaga dahil maraming alam ang pulubi sa nasabing topiko kaya naman marami din siyang napulot na mahahalagang bagay. Binigyan din siya nito ng payo na mag-aral ng mabuti dahil mahalaga ito sa pag-asenso niya sa buhay.


Bago maghiwalay ang landas ng dalawa ay binigyan ni Faye ng tubig at kaunting pera ang matanda para may pambili siya ng pagkain para sa hapunan. Ibinahagi rin ni Faye ang kanyang karanasan sa social media bilang inspirasyon sa nakararami at upang mabigyan din ng tulong si Tatay Jansen. Naging viral ang post ng dalaga at maraming netizens ang nagpaabot ng tulong sa matanda kabilang na ang mga tao mula sa Cebu.



Isang paalala ang kwentong ito upang hindi natin basta husgahan ang mga palaboy sa kalye at sa halip ay tulungan sila sa hirap ng buhay na kanilang pinagdadaanan.