Karamihan sa tinitingnan ng mga naghahanap ng trabaho ngayon ay ang iba’t ibang benepisyo na makukuha nila sa kumpanya maliban pa sa mataas na sahod. Ilan sa mga benepisyong ito ay ang rice at travel allowance o di kaya naman ay quarterly bonus. Kung ikaw ay kagaya nila na naghahangad ng magandang benefits sa trabaho, siguradong matutuwa ka sa balitang ito.
Isang milyonaryo na nagngangalang Matthew Lepre ang naghahanap ng personal assistant na makakatulong niya sa kaniyang negosyo at isasama niya sa paglilibot sa iba’t ibang bahagi ng mundo! Ayon sa 26 taong gulang na binata, sagot niya ang lahat ng gagastusin ng makukuhang personal assistant, ito man ay pagkain,hotel accomodation, air fare at iba pang pangunahing pangangailangan. Maliban dito, tumataginting na $52,000 o mahigit kumulang 2.7 milyon pesos ang kanyang sasahurin sa loob ng isang taon.


Kaya naman tinawag ni Lepre ang trabahong ito na “coolest job in the world” dahil kasabay ng pagtatrabaho ay nagagawa mong mamasyal sa iba’t ibang lugar ng libre.
“Travelling while I work has allowed me to live my ideal life, and I want to give someone the opportunity to do the same alongside me.”pahayag ni Lepre sa isang interview.


Ayon pa sa report, naging milyonaryo ang binata dahil sa kanyang negosyong e-commerce. Ito ay tinawag niyang eCommerce Warrior Academy at itinatag niya noong siya ay 23 taong gulang matapos huminto sa pag-aaral sa kolehiyo. Pinagaaralan niya noon ang kursong Dentistry ngunit napagdesisyunan niyang magtayo ng sariling negosyo kaysa ipagpatuloy ang pag-aaral. Dahil sa sipag at tiyaga naging matagumpay ang kanyang negosyo makalipas lamang ang tatlong taon at kasalukuyan ay kumikita siya ng $120,000 o humigit kumulang 6.3 milyon pesos sa loob lamang ng isang buwan!



Maraming netizens ang nakakita ng nasabing balita matapos itong maging viral sa social media at halos lahat sila ay interesado sa nasabing trabaho. Upang malaman kung ano ang mga kailangang gagawin bilang personal assistant, ipinapakita ni Lepre sa kaniyang YouTube vlogs ang ilan sa kaniyang ginagawa araw-araw. Dito niya rin binabanggit ang mga katangian na nais niya sa isang personal assistant.