Ito ang Estado ng Relasyon Nina Jimuel Pacquiao at Heaven Peralejo

Matagal ng usap-usapan ng mga netizens ang panganay na anak ni “Boxing Champ” Manny Pacquiao na si Jemuel Pacquiao at ang aktres na si Heaven Peralejo. Nagsimula ito noong nakaraang taon kung saan madalas makita ang dalawa sa mga pampublikong lugar. May mga pagkakataon ding nagbabahagi si Heaven ng larawan ng bulaklak na mula di umano sa espesyal na tao kaya naman hindi maiwasan ng mga fans na magtanong kung mayroon na ba itong kasintahan at kung si Jemuel ba ang lalaking nagpapasaya sa kanya. Sa kabila ng kaguluhang ito sa social media ay nanatiling tikom ang bibig ng dalawa at hinayaan lang ang mga tao sa kani-kanilang opinyon.




Samantala, nitong taon ay tinuldukan na ng dalawa ang issue na ito matapos nilang paunlakan ang interview ng TV network na ABSCBN. Sa panayam ng news anchor na si Dyan Castillejo noong March 26, inamin ni Jemuel at Heaven na magkasintahan na silang dalawa! Nagdesisyon silang isapubliko ang relasyon dahil nahihirapan na di umano silang magtago at para na rin mabigyan ng sagot ang tanong ng mga fans.




Habang ginagawa ang interview ay kapansin-pansin ang kinang ng mga mata ng magkasintahan at magiliw nilang ibinahagi ang kwento kung paano nagsimula ang kanilang relasyon. Ayon kay Heaven, una silang nagkita ni Jemuel sa isang mall noong taong 2017 kung saan namimili siya kasama ang kaniyang ina. Lumapit ang pamilya Pacquiao sa aktres para magpapicture kaya nagkaroon ng pagkakataon na makapag-usap sina Jemuel at Heaven ngunit matapos ang insidente ay hindi na muling nagkita ang dalawa.

Ayon naman sa kwento ni Jemuel, mukhang nakatadhana ang muli nilang pagkikita ng dalaga dahil makalipas ang isang taon ay nagkita muli sila ni Heaven sa parehong mall. Ito ang naging hudyat ng binata para ligawan na ang aktres at naging matagumpay naman ito dahil sinagot siya ng dalaga. Maliban sa pagkakapareho ng mga gusto nilang gawin ay suportado rin nila ang propesyon ng bawat isa kaya naman masaya sila sa kanilang relasyon.



Masayang-masaya rin ang mga netizens sa balitang ito at karamihan sa kanila ay nagsabing bagay na bagay sila sa isa’t isa. Samantala, hindi naman maiwasan na mayroong mga negatibong komento kagaya nalang ng ilan na nagsasabing sinagot ni Heaven ang binata dahil sa taglay na yaman ng pamilya nito.

Ikaw, ano ang masasabi mo sa relasyon ng magkasintahan na Heaven Peralejo at Jemuel Pacquiao?