Isang Paaralan sa India, Nagbabayad ng Plastik ang mga Bata Para sa Tuition Fee!

Kung ang plastik ay isang malaking problema sa maraming lugar, sa bansang India ito ay nagiging kapakipakinabang lalo na sa mga estudyante na nais mag-aral. Ito ay dahil ginagamit nila ang plastik bilang pambayad sa kanilang matrikula sa paa-aralan! Sa halip kasi na pera ay mga plastik ang hinihinging bayad ng magkasintahang guro sa paaralan ng India.


Nakilala ang dalawa bilang sina Mazin Muktar at Parmita Sarma na parehong guro. Una silang nagkita noong taong 2013 at dahil pareho ang hangarin nila na makapagbigay ng magandang edukasyon sa mga mahihirap na bata ay naging malapit sila sa isa’t isa. Noong 2016 nga ay isinakatuparan nina Mazin at Parmita ang kanilang pangarap at nagtayo ng libreng paaralan sa lugar ng Akshar sa kalagitnaan ng Assam India.

(Courtesy: www.thebetterindia.com)



Noong una ay nahirapang makahanap ng mga mag-aaral ang magkasintahan dahil kahit na libre ang kanilang paaralan ay mas pinipili ng mga magulang na pagtrabahuin ang kanilang mga anak upang kumita ng pera kaysa mag-aral. Maliban dito ay napansin din ni Parmita na talamak ang pagsusunog ng plastik ng bawat pamilya sa kanilang lugar dahil ginagamit nila itong pampainit sa tuwing tag-lamig. Nalungkot si Parmita dahil hindi alam ng mga tao ang masamang dulot ng pagsusunog ng plastik sa kanilang kalusugan. Kaya nag-isip sila ng paraan kung paano mabibigyan ng solusyon ang problema nila sa edukasyon at plastik.

(Courtesy: www.thebetterindia.com)

Masugid na ipinaalam nina Parmita at Mazin ang kahalagahan ng edukasyon at masamang dulot ng plastik sa mga tao hanggang sa di kalaunan ay naliwanagan din sila patungkol dito. Paunti-unti ay nagkaroon na ng mga estudyante sa paaralan at linggo – linggo ay nagdadala sila ng 25 na piraso ng plastik kapalit ng libreng edukasyon. Ang mga plastik na ito ay nirerecycle nina Parmita at Mazin samantalang ang ilan naman ay ibinebenta nila sa junk shop para matustusan ang gastusin sa paaralan.


(Courtesy: www.thebetterindia.com)
(Courtesy: www.thebetterindia.com)

(Courtesy: www.thebetterindia.com)





Ang ideyang ito ng magkasintahan ay umani ng maraming papuri mula sa mga netizens at karamihan sa kanila ay namangha sa dedikasyon ng dalawa sa kanilang propesyon bilang mga guro.