Tila masaya ang dating aktres na si Mary Claire “Niña” José sa kaniyang buhay ngayon kapiling ang asawang si Cezar T. Quiambao na mayor sa Bayambang, Pangasinan. Ngunit bago natin alamin ang kaniyang buhay sa likod ng camera, naalala niyo pa ba kung paano nagsimula ang showbiz career ni Niña Jose?
Una siyang nakita ng publiko sa reality show ng ABS-CBN na Pinoy Big Brother: Teen Edition 1. Nakasama niya doon sina Kim Chui at Gerald Anderson at matapos mapalabas agad sa bahay ni “Kuya” ay itinuloy ni Niña ang kaniyang career bilang aktres. Ilan sa mga palabas na kaniyang ginawa ay ang Da Adventures of Pedro Penduko at My Girl. Napasali rin siya sa ilang pelikula kagaya ng Shake, Rattle & Roll X, Desperadas 2 at Mano Po 6. Maliban dito ay hinangaan din siya ng karamihan matapos mapasama sa listahan ng sexiest women ng men’s magazine na FHM. Huling nakita sa telebisyon si Niña Jose sa kanyang palabas na Kidlat sa TV 5 noong 2003.
Sa kasalukuyan ay abalang-abala ang aktres sa pagsuporta sa kaniyang asawa at pag-aalaga sa tatlong taong gulang nilang anak na si Antonio. Maliban sa pagiging maybahay ay isa rin siyang chairperson ng Local Council of Women (LCW) sa kanilang bayan, kung saan iba’t ibang proyekto para sa kapakanan ng mga kababaihan ang kaniyang pinamamahalaan.
Ang kaniya namang napangasawa na si Mayor Quiambao ay isang kilalang mayamang tao sa Pampanga at maliban dito ay siya rin itong CEO ng kompanyang Stradcom Corporation, isa sa pinakamalaking IT company sa ating bansa.
Marami ang nagulat sa desisyon ni Niña Jose na iwanan ang show business at magpakasal sa isang politiko lalo pa at kitang-kita ang agwat ng kanilang edad. Ngunit ayon sa dating aktres mas gusto niyang pakasalan ang lalaki na mas matanda sa kaniya dahil mas seryoso ito kumpara sa mga lalaking ka-edad niya na hindi malinaw ang desisyon sa buhay.
“I think I can converse with them better and they’re more real kausap, more mature. The people…I don’t know ha…my age parang they are just play around. I don’t like yung mga ganun. I want someone real.”,pahayag ni Niña sa isang interview.
Ayon naman sa kay Ginoong Quiambao, hindi hadlang ang edad sa pagmamahal nilang mag-asawa at walang kahit na ano ang pwedeng maghiwalay sa kanila. Sa katunayan ay tatlong beses ikinasal ang dalawa. Ang una ay sa Amerika pangalawa ay sa Huwes at pangatlo ay sa simbahan ng St.Vincent’s Parish kung saan nakasama sa celebrasyon ang kanilang pamilya at mga kaibigan
Nang tanungin naman ng mga press kung may balak siyang bumalik ng show business, ngumiti lang si Niña at sinabing “I miss being in show business but right now hindi pa payag ang asawa ko na bumalik ako sa pag-aartista and madami pa din akong responsibilidad with my child and in our community.”