Matapos ang mahabang taon ng paggising ng maaga at pagsusunog ng kilay para sa mga takdang aralin, sa wakas ay nalalapit na rin ang araw ng pagtatapos. Ito ang panahon na pinakainaasam-asam ng mga estudyante dahi hudyat rin ito ng pagtatapos ng kanilang paghihirap. Kaya naman masayang-masaya silang nakakangiti sa harapan ng camera para sa kanilang graduation picture habang suot ang toga at talaga namang nakapostura.
Ngunit iba ang nararamdaman ng estudyanteng si Hans Steve Nieva habang pinipilit ngumiti sa harapan ng camera para sa kaniyang graduation picture. Ito ay sa kadahilanang hindi niya pa nababayaran ng buo ang kaniyang tuition fee sa paaralan at mayroon pa siyang utang na 30,000 pesos. Lubos na umaasa si Hans na makakahanap siya ng paraan para mabuo ang nasabing halaga at tuluyan na ngang makapagmartsa kasama ang kaniyang mga kamag-aral sa Phililpine International Convention Center o PICC, kung saan madalas na ginaganap ang Graduation Ceremony ng mga paaralan.
Kung anu-ano ang ginawang raket ni Hans para kumita ng pera at isa sa mga paraan na naisip niya ay ang pagbebenta ng mga lutong ulam sa social media.
“Bili kayo guys, pandagdag lang sa tuituon ko. It’s really a big help for me. Maraming salamat po.”,pagbabahagi ni Hans sa kaniyang Twitter account kasama ang larawan ng mga ulam na Bicol Express at Pinangat na Laing. Ang bawat putahe ay nagkakahalaga ng 150 pesos.
Maraming netizen ang nakapansin ng nasabing post ni Hans at naging viral ito sa social media. Dahil dito, sunod-sunod ang mga nag-order sa kaniya ng pagkain kaya naman naka-ipon agad siya ng pera para sa tuition fee. Ang magandang balitang ito ibinahagi niya muli sa kanyang Twitter account at kasabay nito ay pinasalamatan niya na rin ang mga taong tumulong sa kaniya.
” Lahat po ng orders na ide-deliver by Monday ‘di ko po made-deliver kasi po graduation practice ko po. Maraming, maraming salamat po sa mga tumulong at sumuporta na abutin ang aking mga pangarap. Thank you Lord. #PICCReady.”,masayang pagbabahagi ni Hans.
Tunay ngang hindi matitinag ang taong pursigido sa pag-abot ng kaniyang mga pangarap. Saludo kami sa iyo Hans at sana ay makahanap ka ng magandang trabaho pagkatapos ng kolehiyo.