Mga Senior Citizen ng Taguig City, Maaari ng Mag-Relax sa Bagong Gawang Gusali Para Sa Kanila!

Noong mga nakaraang taon ay hindi gaanong nabibigyan ng pansin ang pangangailangan ng mga senior citizen at madalas ay napapabayaan sila ng ating gobyerno. Sa kabutihang palad ay may mga gumawa ng batas para mabigyan sila ng benepisyo kagaya ng discount sa mga bilihin gayun na din ang libreng mga gamot lalo na ang maintenance sa kanilang sakit. Simula nito ay iba’t ibang programa na ang ipinatupad ng iba’t ibang lungsod para maramdaman ng mga senior citizen ang pagkalinga sa kanila. Isa na dito ang libre panonood ng mga pelikula sa sinehan.



Hindi rin pahuhuli rito ang lungsod ng Taguig at noon ngang unang araw ng Abril taong kasalukuyan ay ginulat nito ang publiko lalo na ang mga senior citizen sa bagong tayong gusali na eksklusibo para sa kanila. Ang nasabing gusali ay tinawag nilang Center for Elderly at mayroon itong limang palapag na naglalaman ng iba’t ibang pasilidad para lamang sa mga nakakatanda. Matatagpuan ito sa Ipil-Ipil Street, North Signal Village, Taguig City.





Sa unang palapag ay makikita ang isang therapy pool samantalang dalawang sauna naman ang matatagpuan sa ikalawang palapag. Dito maaring mag-relax at magpamasahe ang mga senior citizen. Mayroon ding babasahin kagaya ng dyaryo at mga libro na maaring gamitin habang naghihintay sa labas ng massage room. Ang ika-tatlo at ika-apat na palapag naman ay multi-purpose hall na maaring gamitin sa iba’t ibang okasyon at programa ng lungsod.

Mayroon ding elevator at rampahan ang gusali para sa mga naka-wheel chain na senior citizens. Isa pang nakakatuwa sa programang ito ay walang kahit na magkano ang sisingilin sa mga nakakatandang nais gumamit ng pasilidad at mayroon pa silang libreng sasakyan na handang maghatid sundo sa kanila. Para naman sa kaligtasan ng mga senior citizen ay may sariling klinika ang lugar at laging may nakabantay na tauhan upang kung may emergency man ay mabigyan agad ito ng paunang lunas.

Lubos ang ligaya ng mga senior citizen matapos malaman ang balitang ito at masaya sila sa pamamalakad ng kasalukuyang Mayor na si Lani Cayetano. Ayon sa kaniya, naisakatuparan ang proyektong ito sa layunin ng buong kawani ng lungsod na mabigyan ng sariling lugar ang mga nakakatanda kung saan pwede silang mag-enjoy at mag-relax.




“They deserve our respect and gratitude. We are merely giving back to them by giving them a safe space,” pahayag Mayor Lani Cayetano sa isang panayam.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *