Marami sa atin ang naghahanap buhay ng maayos para magkaroon ng pera hindi lamang upang makabili ng pagkain na panlaman sa kumakalam na sikmura kundi dahil nais rin nating masubukan ang ibang masasarap na putahe kagaya na lamang ng mga pagkain na di umano ay “pang-mayaman” lang. Kaya naman hindi nakakapagtaka na halos lahat ng mga larawan na ibinabahagi sa mga social media kagaya ng Facebook at Instagram ay mga pagkain na nakalatag ng maayos at kinuhaan muna ng litrato bago kainin dahil nga ito ay mamahalin. Wala namang masama sa bagay na ito ngunit kamakailan lang ay nakatawag ng pansin ang mga larawang ibinabahagi ni Jinkee Pacquiao sa kaniyang Instagram account patungkol sa kanilang mga pagkain.

Alam naman natin kung gaano kayaman ang pamilya Pacquiao kaya parang naging normal nalang na isipin nating pang-mayaman din ang laging hinahain sa kanilang hapag-kainan. Subalit nagkakamali tayo dahil base sa mga larawang ibinahagi ni Jinkee, madalas ay mumurahin lang ang kanilang kinakain sa loob ng bahay dahil ito ang paborito ng kaniyang asawa na si Manny Pacquiao.


Ilan sa mga pagkaing ito ay piniritong isda na may kasamang sinabawang gulay at kapansin-pansin na halos lahat ng kinakain nila ay gulay o di kaya naman ay seafoods at bibihira silang kumain ng karne. Ayon pa kay Jinkee, mura man ang mga pagkaing ito ay ubod naman ng sustansiya kaya naman pati mga anak nila ay sinasanay na rin niyang kumain ng ganoong uri ng mga pagkain.
Hindi nakakalimutan ni Jinkee ang bisitahin ang kanilang mga kapitbahay noon at bumalik sa dating eskwelahan noong elementarya upang makita ang kanyang mga guro noon. Makikita na kahit gaano na kayaman ngayon ang mag-asawa ay mas masarap pa rin para sakanila ang simpleng pinoy foods at buhay noon.


Tunay ngang magandang halimbawa sa mga kababaihan si Jinkee dahil bilang maybahay ng ating “Pambansang Kamao” Manny Pacquiao ay pinatunayan niya na hindi mahalaga kung magkano ang presyo ng iyong kinakain dahil ang importante ay masustansiya ito at hindi ka nagbabayad ng mahal para balang araw ay magkaroon naman ng malubhang karamdaman. Ang mga netizen naman ay hindi mapigilang purihin ang pamilya Pacquiao dahil hindi nila nakakalimutan kung ano ang kanilang pinanggalingan.
Ikaw, kung sakaling kasing yaman mo na ang pamilya Pacquiao maghahain ka pa rin ba ng mga pagkaing pinoy sa iyong hapag-kainan?