Talaga namang kilala ng halos lahat ng tao lalo na ng mga Pilipino ang batikang International actor, martial artist, singer at director na si Jackie Chan. Ipinanganak siya noong ika-7 ng Abril taong 1954 sa bansang Hong Kong at nagumpisang bumida sa mga pelikula noong taong 1962 hanggang sa kasalukuyan. Hinahangaan siya ng karamihan dahil sa kakaiba at minsan ay nakakatawang pagganap nito sa mga pelikula gamit ang kaniyang galing sa karate at iba pang uri ng martial arts. Dahil nga sa pagtangkilik na ito ng publiko ay umabot ng mahigit sa 150 na mga pelikula ang kaniyang nagawa at naipalabas ito sa iba’t-ibang bansa.
Simpleng tao lang si Jackie Chan kung kumilos at manamit ngunit ang tagumpay niya ay kitang-kita sa kaniyang mansion sa Beverly Hills sa Amerika. Sa ilang larawang ibinahagi ng aktor, makikita kung gaano kalawak ang kaniyang bahay pati na rin ang bakuran nito na mayroong fountain at napapaligiran ng mga malalabong na puno na animo’y isang palasyo. Ang nasabing mansion ay mayroong dalawang palapag na napapalibutan ng maraming bintana kung saan matatanaw mo ang matatangkad na puno at ang magandang kapaligiran.
Sa loob naman nito ay ipinamalas ng aktor ang mamahaling mga gamit kagaya na lamang ng mga upuan at mesa na talaga namang kumikinang sa linis at ganda. Halos puti at golden brown naman ang mga kulay na makikita sa ibaba at ikalawang palapag ng bahay na talaga namang nagbibigay aliwalas sa lugar.


Sa kaniyang sala naman ay makikita ang isang malaking ginintuang salamin sa puting dingding at nakalagay malapit dito ang isang piano na hindi lamang pandagdag disenyo ngunit simbolo rin na mahilig ng aktor sa musika.

Ang banyo at palikuran naman ng mansion ay halos kasing lawak na ng isang Master’s Bedroom ng isang ordinaryong bahay at talaga namang nakakarelax mamalagi dito dahil mayroon itong bathtub na malapit sa bintana kung saan makikita mo ang luntiang mga puno habang ikaw ay nagtatampisaw sa tubig.

Maliban sa magagandang kagamitan ay mayroon ding sariling gym ang aktor sa kaniyang mansion at oudoor swimming pool na talaga namang magarbo ang disenyo.


Ayon sa report ng LA TIMES, binili ni Jackie Chan ang Mansion na ito noong 1998 at ibinenta ng aktor matapos ang walong taon. Humigit kumulang na 12.25 million dollars ang mansion na ito na may 30, 000 sq. ft. na lote.
Talaga nga naman na pinagpala si Jackie Chan dahil na rin sa kanyang galing at kabutihan sa kapwa. Tulad nalang sa isang report noong 2006, ibinahagi ni Jackie na kung sakali siya ay mawala na sa mundong ito ay ibabahagi niya ang kaniyang kayamanan sa pamamagitan ng charity donation.