Mga Ukay-ukay, Posibleng Makahawa ng mga Malalang Kondisyon Kaya Ipinagbabawal na Bumili ang mga Tao

Balitang-balita ngayon ang pagkalat ng novel coronavirus (nCoV) sa iba’t-ibang parte ng mundo. Nagmula ito sa Wuhan, China at mula roon ay kumalat na ito sa iba pang mga bansa, kasama na ang Pilipinas. May mga kumpirmadong kaso na ng nCoV dito sa atin at dahil doon ay hinihigpitan ng ating gobyerno ang kahit anong bagay na maaaring may koneksyon sa naturang sakit upang masiguro ang seguridad at kalusugan ng mga Pilipino.



Sa kasalukuyan, maging ang Bureau of Customs (BOC) ay tinitingnan na rin ang posibilidad na baka maipasa ang nCoV mula sa mga produkto galing sa mga bansa na apektado ng sakit, partikular na ang mga ukay-ukay na damit.

Ayon sa isang panayam ng BOC Assistant Commissioner na si Vincent Maronilla, banned sa ngayon ang mga ukay-ukay dahil may mga health issues sa mga ito. Hindi nila nais ipagsapalaran kung sakali mang may dalang virus ang mga damit na pwedeng makasama sa ating mga kababayan, kaya naman mas lalo pang naghigpit ang ahensya upang masiguro na walang ukay-ukay ang makakapasok dito sa ating bansa.



Wala pang pagsusuri na nagpapatunay na maaaring maipasa ang novel coronavirus mula sa mga damit at iba pang mga gamit ngunit nagiging maingat lamang ang BOC.

Kung tutuusin, ang pagbili ng mga damit o mga kagamitan na second-hand upang pagkakitaan at ibenta dito sa Pilipinas ay isang ilegal na gawain, ito ay ayon sa Republic Act 4653.



Gayunman, malakas pa rin ang bentahan ng mga ukay-ukay sa buong bansa dahil napakaraming tumatangkilik sa mga ito. Kadalasan ay mga bagsak presyo ibinebenta ang mga ito kaya naman hindi maiwasan ng mga tao ang mahalina kahit pa hindi lingid sa kanilang kaalaman na nagamit na noon ng ibang tao ang mga ito.

Sa ngayon ay mas madali na ring makabili ng mga gamit mula sa ukay-ukay dahil uso na rin ang bentahan online sa mga social media accounts kagaya ng Facebook at Instagram. Nagsulputan rin ang iba’t-ibang shops sa mga online shopping apps gaya ng Shopee kaya naman mas dumarami ang mga mamimili.


Ang 2019 nCoV ay isang seryosong problema kaya hindi rin natin masisisi na lalong naghihigpit ang ating gobyerno sa iba’t-ibang aspeto sa ano mang paraan, lalo pa ngayon na karamihan sa ating mga karatig-bansa ay apektado na rin ng kinakatakutang sakit.