Sa mahal ng mga bilihin sa panahon ngayon, mas mahirap na talaga ang makapag-ipon lalo na kapag may pamilya kang binubuhay. Ang sinusweldo ng mga ordinaryong empleyado ay karaniwang hindi pa sapat para sa pang-araw araw na gastusin kaya kadalasan ay napipilitan silang mangutang nang mangutang. Mas mahirap rin ito kapag iisa lamang sa mag-asawa ang may trabaho.
Sa Smart Parenting Village na Facebook group, isang 33 anyos na may-bahay ang nagbahagi ng kanyang sinusunod na paraan para siya ay makapag-ipon.

Ayon rito, ang asawa lamang nito ang may trabaho habang siya naman ang naiiwan sa bahay upang mag-alaga sa kanilang tatlong anak. Minimum umano ang kinikita ng asawa sa pagiging butcher at rumaraket lamang ito paminsan-minsan upang matustusan ang lahat ng pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ibinahagi din nito ang karaniwang gastos nila sa bawat buwan kung saan nasa tatlong libo ang bayad para sa renta, 1,500 pesos sa kuryente, 400 pesos sa tubig at 300 pesos para sa Wi-Fi. Nagpapa-breastfeed naman ito sa kanilang bunsong anak kaya ang iba nilang pinagkakagastusan ay napupunta sa diapers at kanilang pagkain.

Ang akala raw nito noon ay mahirap makapag-ipon ngunit mula noong mapanood niya ang isang video ng isang wealth coach at motivational speaker na si Chinkee Tan ay napagtanto nito na kaya rin nilang magtabi kahit paunti-unti. Sinunod nito ang tinatawag na “Invisible 50” challenge, ito ay ang pagtatabi sa lahat ng 50 pesos na mahahawakan. Kailangan idiretso sa alkansya ang ano mang 50 pesos na makukuha at ituring ito na animo hindi pera kaya hindi pwedeng gastusin. Sa ganitong paraan ay nakaka-ipon ng mahigit kumulang 5000 ang stay-at-home mom na ito.

Pagsasalaysay pa nito, 21 anyos lamang siya nang magsimulang magpamilya at noo’y wala pa silang trabaho pareho ng kanyang asawa kaya nakaasa lamang sila sa kanilang mga magulang. Ipinangako nila sa isa’t-isa na kapag nagkatrabaho ang kanyang mister ay hindi na sila mawawalan ng pera at ganoon mismo ang kanilang pinagsumikapang matupad.
Takot rin umano sila sa utang kaya ang ano mang nais nilang bilhin ay pinag-iipunan muna. Sa ngayon ay masaya na raw sila na naibibigay nila ang lahat ng pangangailangan ng kanilang mga anak at nakakapagtabi sila kahit papaano.

Maraming mga kapwa-ina nito ang na-inspire sa kanyang kwento at maging sila ay gusto na ring pag-igihan ang pag-iipon. May iba ring nagbahagi na sila naman ay nagtatabi ng bawat 20 pesos na kanilang nahahawakan imbes na 50 pesos.
Maraming iba’t-ibang paraan, ang kailangan lamang ay disiplina. Ang payo ni Chinkee Tan ay sundin ang Income – Savings = Expenses na formula dahil napatunayan nang epektibo ang paraang ito upang maging maayos ang pinansyal na aspeto ng ating buhay.