Ang isa sa mga host ng talk show na Magandang Buhay na si Jolina Magdangal ay nagsimulang magtrabaho sa industriya ng showbiz mula pa noong ito ay 15 taong gulang pa lamang, sa tamang paggabay ng kanyang mga magulang ay maaga niya ring natutunan kung paano maging wais sa paggastos.
Ngayong 40 years old na ito, nais rin niyang ipasa ang lahat ng natutunan sa kanyang mga anak habang bata pa ang mga ito. Kasal si Jolina kay Mark Escueta at nabiyayaan sila ng dalawang supling– ang panganay na si Pele ay anim na taong gulang na habang ang bunso na si Vika naman ay magdadalawang taong gulang pa lamang.
Sa edad ni Pele ay may kakayahan na itong umintindi ng ilang mga bagay kaya naman hindi na nagsayang pa ng panahon ang singer-actress upang disiplinahin ang anak tungkol sa pera.
Ayon sa isa niyang interview, mayroon silang kasunduan ni Pele na hindi sila laging may bibilhin tuwing sila ay lalabas. Meron silang tinatawag na “Look Day”, ito ay kung kailan pwede itong mag-window shopping at tumingin-tingin sa mga bagay na gusto nito kagaya ng mga laruan.
Ang “Buy Day” naman ay kung kailan pwede na nilang bilhin ang nais ng bata kung ito ay pasok sa budget na kanilang inilaan para sa partikular na araw na iyon. Sa ganitong paraan ay natuturuan ng mag-asawa ang kanilang anak ng self-control sa paggastos sa mga bagay na gusto nito. Importante ito dahil hindi nila nais na maging spoiled ito at lumaking nag-aakala na ang bawat bagay na gustuhin nito ay makukuha nito sa lahat ng pagkakataon.
Dagdag ni Jolina, tinutupad din naman nila ang kanilang pangako tuwing “Buy Day”, gayunman ay iniiwasan nilang gumastos nang sobra at ipinapakita nila kay Pele na mayroon pa rin silang limitasyon upang magsilbi silang mga modelo para sa anak.
Minsan raw ay binibigyan nila ito ng budget at hinahayaan itong bumili ng kung ano lang ang kasya sa perang ibinigay nila rito. Bahagya pa silang nagulat dahil sumusunod ang bata at naiintindihan nito ang sitwasyon, kaya naman mas kumbinsido na silang mag-asawa na tama lamang na sa ganoong edad pa lamang ay nagsimula na silang turuan ito.
Paglilinaw naman ni Jolina ay hindi lamang ito tungkol sa pagtitipid at sa pagpili ng kung ano ang mura. Kailangan lamang daw ay matutunan ang pagiging praktikal at piliin ang mga bagay na maganda ang kalidad para sa presyo, mura man ito o may kamahalan.