Ito ang House Tour ni Jinkee Pacquaio sa Simple Mansion ni Mommy Dionisia sa General Santos City

Sa likod ng tagumpay ng ating pambansang kamao at senador na si Manny “Pacman” Pacquiao ay ang kanyang nanay na laging nakasuporta at nagdarasal para sa kaligtasan niya sa bawat laban, si Dionisia Pacquiao o kung tawagin ng mga tao ay “Mommy D”. Mula noong umusbong nang husto ang karera ni Manny sa larangan ng Boxing ay kumita na ito ng maraming pera at kasabay noo’y nagkaroon na rin ito ng maraming mga ari-arian– hindi lamang para sa kanyang asawa’t mga anak kundi pati na rin sa kanyang mga kapatid at ina.



Image Courtesy: Youtube/Simplyjinkee

Sa isang vlog ng may-bahay ni Manny na si Jinkee ay kasama nito si Mommy D habang ipinapakita ang mansyon nito sa kanilang probinsya, sa General Santos City.

Image Courtesy: Youtube/Simplyjinkee





Napag-alaman na pinatayuan ni Manny si Mommy D ng bahay sa GenSan kung saan dito siya nakatira at paminsan-minsan ay binibisita na lamang siya nina Manny at Jinkee sa tuwing sila ay magbabakasyon sa GenSan.

Image Courtesy: Youtube/Simplyjinkee

Unang ipinakita sa video ang bar ni Mommy D kung saan maraming nakalagay na mga figurines na koleksyon nito at ang ilan sa mga iyon ay galing pa raw sa ibang bansa, ayon mismo kay Mommy D.

Image Courtesy: Youtube/Simplyjinkee

Punong-puno ng mga memorabilia ang salas at marami ring mga litrato ng kanilang pamilya ang masayang ibinida naman ni Mommy D. May isang estante sa gilid ang naglalaman ng mga souvenirs tuwing nangingibang bansa sila, mga keychain, hot wheels na mga laruang sasakyan at mga iba pang souvenirs rin mula sa mga inaanak naman nito sa binyag. Naroon rin ang lumang tickets sa mga dating laban ng anak na si Manny na itinago nito bilang ala-ala sa nakaraan.

Image Courtesy: Youtube/Simplyjinkee
Image Courtesy: Youtube/Simplyjinkee

Matapos sa living room ay ipinakita naman nito ang kanyang kwarto na may sariling banyo. Mayroong kulambo sa kama nito para raw hindi siya kagatin ng mga lamok at sa banyo naman ay mayroon itong bathtub.

Image Courtesy: Youtube/Simplyjinkee

Sumunod na ipinasilip ang kanilang dining room kung saan mayroong koleksyon si Mommy D ng mga tea cups at iba pang mga babasaging na gamit. Inilabas nito ang ilang piraso ng mga mangkok na ayon rito ay pinaka-memorable dahil mula pa iyon noong sila ay hirap pa sa pera.



Image Courtesy: Youtube/Simplyjinkee

Hindi raw talaga nito itinapon ang mga iyon dahil kumbaga’y remembrance iyon noong mga panahong hindi pa maalwan ang kanilang buhay. Kwento pa nito ay kahit mahirap sila noon ay hindi nagutom ang kanyang mga anak dahil naghanap buhay siya para hindi mahirapan ang mga ito. Sa katunayan, sila lamang raw ang hindi nabigyan noon ng rasyon ng mga bitamina at gatas dahil malulusog na raw ang kanyang mga anak ayon sa doktor at tama daw ang kanyang pag-aalaga sa mga ito.

Mula sa dining ay lumabas sila patungo sa dirty kitchen kung saan uling o pugon ang pangunahing ginagamit bilang pangluto dahil nadala na daw si Mommy D noong muntikan nang masunog ang kanilang dating bahay dahil sa gasul. May manukan sa gilid ng kanilang dirty kitchen kung saan naroroon ang alaga nilang mga native na manok. Itinuro rin nito ang mga halaman nito at ibinahagi pa niya na iyon ang kanyang libangan doon sa kanilang probinsya.

Image Courtesy: Youtube/Simplyjinkee

Sumunod nilang pinuntahan ang isang kwarto kung saan nakalagay ang mga dancing shoes nito noong aktibo pa ito sa pagsayaw sa ballroom. Kaya lamang, hindi na nito masuot ang ilan sa mga sapatos roon dahil matataas ang mga takong at masakit na raw sa kanyang mga paa.



Image Courtesy: Youtube/Simplyjinkee

Image Courtesy: Youtube/Simplyjinkee

Hindi rin nila nakalimutang ipakita ang kanyang bagong gawang chapel. Ayon kay Jinkee ay malaki ang naturang chapel at pwedeng magmisa roon kahit para sa 30 katao. Madalas maglagi roon si Mommy D dahil na rin relihiyosa ito at palagi itong nagdarasal para sa maayos na kalagayan ng kanilang pamilya. Bago magtapos ang vlog ay ibinahagi nito na mayroon rin siyang music room kung saan ito kumakanta tuwing naiisip niya ang kanyang mga anak at siya ay nalulumbay. Ang problema nga lang ay hindi na ito nakakakanta roon dahil masyado na raw maraming gamit sa loob at kailangan pa nilang ilipat ang mga iyon sa bodega.

Image Courtesy: Youtube/Simplyjinkee
Image Courtesy: Youtube/Simplyjinkee

Sa kabuuan ng video ay makikita kung gaano kasimple ang ina ng People’s Champ sa kabila ng kanilang karangyaan na ngayon. Kahanga-hanga rin ang magandang relasyon nito sa manugang na si Jinkee at mahahalata ang pagmamahal sa pagitan ng mga ito. Sa huli ay naipakita nang kaunti si Sen. Manny habang naroon naman sila sa bagong gawang bahay ng kapatid nitong si Isidra na bigay rin mismo ni Manny.



Leave a Reply

Your email address will not be published.