Angeline Quinto, Inimbitahan ang mga Batang Kalye na Mag-Swimming at Kumain sa Kaniyang Bahay

Karapatan ng bawat bata na mabigyan ng maayos na buhay at tamang pagkalinga habang sila ay lumalaki ngunit nakakalungkot makita na hindi ganito ang nangyayari sa karamihan sa kanila. Makikita nga ang mga batang ito na pagala-gala sa kalye at namamalimos ng pagkain at pagmamahal.




Sa kabutihang palad ay mayroong mga mabubuting indibidwal na handang magbigay ng kanilang oras at tulong para sa mga kabataang ito na hindi pinalad mabigyan ng maayos na buhay.

Isa na nga dito ang aktres at singer na si Angeline Quinto. Matapos payagan ng kaniyang mga magulang sa plano niyang mag-imbita ng mga batang kalye sa kanilang bahay ay agad siyang nagtungo sa lansangan kasama ang kaniyang driver at pumili ng limang bata.

Sa video na ibinahagi niya sa kaniyang YouTube channel ay makikitang isinakay niya sa kotse ang mga bata at isinama ito pauwi sa kaniyang bahay.




Pagdating na pagdating sa bahay ay hinayaan niya ang mga ito na maligo sa kanilang swimming pool. Kitang-kita sa ngiti ng mga bata kung gaano sila kasaya sa inialok ni Angeline at hindi na nga nag-atubiling magtampisaw sa tubig at lumangoy.





Habang masayang naglalaro ang mga bata ay abala naman si Angeline sa pag-aasikaso ng kanilang makakain at nagpahanda siya ng paborito ng mga ito na fried chicken at spaghetti. Inihain niya ito malapit sa swimming pool upang mabilis na makabalik ang mga bata sa paglangoy anumang oras nila gustuhin.




Talaga namang nag-enjoy ang mga bata sa ginawang ito ng aktres at maging mga netizens ay humanga sa kaniyang busilak na puso at intensiyon na mapasaya ang mga bata kahit na sa simpleng paraan. Hindi rin nakalimutan ni Angeline na pabaunan ng grocery ang bawat bata upang maibahagi rin nila ito sa kanilang pamilya.

Sadyang maraming bata ang nagugutom hindi lamang sa masusustansiyang pagkain kundi pati na rin sa pagmamahal at kalinga. Kaya naman nawa ay magkaroon din tayo ng panahon at oras para maibahagi sa kanila kung anong meron tayo upang mapasaya sila kahit sa maikling panahon lamang.



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *