Isang Good Samaritan na Babae ang Nagbigay ng Tulong sa Isang Lalaki Habang Nagpapanic Buying ang mga Tao

Mula nang magkaroon ng COVID-19 outbreak ay naalarma na ang buong mundo at nagresulta ito sa bultuhang pagbili ng mga tao sa pagkain at mga bagay na karaniwang ginagamit sa bahay. Sa kasamaang palad ay marami ang nananamantala sa krisis na ating kinakaharap sa ngayon dahil binibili nila ang sandamakmak na alcohol at face mask upang ibenta nang mas mahal sa publiko. Gayunman, may iilan pa ring may mabubuting kalooban ang nasa paligid lamang kagaya ng isang good samaritan sa may Landmark sa Trinoma mall nitong nakaraan.




Sa isang post na nag-viral ng isang netizen na si Lane Blackwater sa Facebook ay ikinuwento nito ang kanilang naobserbahan habang nakapila sila ng kanyang asawa sa may cashier.

Ayon rito, may isang dalaga sa likuran nila banda ang nakapansin sa loob ng basket ng isang lalaki na naglalaman lamang ng iilang mga de lata at maliliit na bote ng alcohol.




Nalungkot ang netizen at nahabag ang damdamin nito nang marinig niya ang isang babae na kausap ang lalaki kung saan pinapakuhanan na ng babae ang Manong ng iba pa nitong kailangan at siya na raw ang magbabayad nito.

“Kuha pa po kayo ng tinapay, kape, asukal. Ako po ang magbabayad”, sambit ng babae.

Sa una ay ayaw pa ni Manong na tanggapin ito ngunit nagawang makumbinse ng babae si Manong kaya naman dinagdagan nito ang laman ng kaniyang basket at iba pang kailangan nito.

Pagbalik ni manong sa kanilang pwesto ay nagulat ito sa dami ng naidagdag sa kanyang basket, gayunman ay sobrang tuwa nito.


Sa nakitang kabaitan ng dalaga ay pati ang mga taong nagbabayad sa ibang counter ay nagbigay rin ng kaunti para kay manong, kabilang na ang ilang canned goods.

Isa itong patunay na kahit ang kaliit-liitang pagmamagandang loob ay malaki ang pwedeng maging epekto sa mga taong natulungan at pwedeng mauwi sa tinatawag nilang “ripple effect”, ito ang pagpapatuloy ng ibang tao sa magandang gawain na iyong nasimulan.


Nakakatuwa rin na sa kabila ng banta ng COVID-19 ay may mga tao pa ring may malasakit sa kapwa at hindi lamang ang mga pansariling kapakanan ang iniisip.

Sa kasalukuyan ay itinaas na sa Code Red Sub-Level 2 ang bansa at ipinatupad na ang community quarantine sa buong Metro Manila mula March 15, 2020 hanggang April 12, 2020.



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *