Buhay Prinsesa Pala Itong si Ivana Alawi! Ipinakita Nito ang Loob ng Kaniyang Mansion sa Bahrain

Sa ngayon ay matunog na matunog ang pangalan ni Ivana Alawi lalong-lalo na sa mga kalalakihan dahil sa kagandahan nito at sa hubog ng kaniyang katawan na madalas niyang ipakita sa kaniyang mga social media accounts. Nagsisimula pa lamang ito sa karera nito sa pag-aartista ngunit madaling nakilala dahil sa mga litrato nito sa social media at vlogs nito sa Youtube.




Sa isang vlog nga ni Ivana nitong ika-28 ng Pebrero ay ipinasilip nito sa unang pagkakataon ang kanilang mansion sa Bahrain na talaga namang nag-viral dahil hindi inakala ng mga netizens na napakayaman pala talaga nito.

Sa batang edad na 24 anyos ay may sarili nang mansyon ang dalaga dahil ipinamana ng kanyang namayapang Moroccan na Ama ang lahat ng mga ari-arian nito sa kanya. Nauna nang nabanggit ang malaking pamana sa aktres noong mag-guest ito sa “Gandang Gabi Vice” (GGV) ngunit ayon rito ay hindi nito iniisip na sa kanya lamang ang lahat ng naiwan ng kanyang Ama dahil para iyon sa kanilang pamilya.






Pera raw iyon ng kanyang Ama at hindi niya nakuha sa sariling pagsisikap, kaya kahit na sa kanya nakapangalan ay itinuturing nitong family properties ang mga ari-arian na iyon.

Kung tutuusin ay maikokonsiderang mayaman na talaga ito noong bata pa lamang ngunit nananatiling humble si Ivana sa kabila ng lahat.

Unang ipinakita nito sa nasabing house tour ang labas ng mansyon kung saan makikita rin na nakagarahe ang convertible nitong sasakyan. Pagpasok naman ay bumungad ang dalawang living room at isang upuan na tila isang gintong kulungan ng mga ibon. Mahilig umano sa mga ibon ang aktres kaya ipinasadya niya talaga ang nasabing upuan.

Naglalakihang mga sofa ang makikita sa dalawang living room ngunit mapapansin na walang telebisyon saan man dahil ayon kay Ivana, lumang box type pa ang TV nila noon kaya ipinaalis na niya at planong palitan ng flat screen.

Katapat naman ng isa sa kanilang salas ang dining room kung saan mayroong 8-seater na dining set. Ang kanilang kitchen naman ay simpleng kulay puti lamang ang kulay at wala pa masyadong makikitang kagamitan.



Matapos sa kitchen ay ipinakita naman nito ang pantry, common CR at mga kwarto ng kanilang mga helpers. Nasa ibaba rin ang dating kwarto ng namayapang Ama nito na sabi ng aktres ay hindi na niya ipinabago, maliban sa pag-alis nila ng dating banyo at walk-in closet doon dahil wala nang gagamit umano ng mga iyon, ngunit ang kwarto ay nanatili sa dati nitong ayos at mananatiling ganoon bilang tribute na lang daw nila sa kanyang Ama. Naroon rin ang dating kwarto ni Ivana at isa pang kwarto na hindi na nila ipinakita.

Sa second floor naman matatagpuan ang apat na kwarto, dalawang magkapareho ng disenyo at isang mas espesyal sa iba. Ang naiibang kwarto ay ipinasadya ni Ivana na magkaroon ng white at gold na tema kaya mukhang mas magara ito kasya sa iba.

Pinakahuling ipinakita ng aktres ang Master’s bedroom na sarili nitong kwarto. Malaki ang loob at mayroong sariling banyo at walk-in closet. Ang banyo nito ay gawa sa marmol ang sahig at pader dahil mahilig umano ito sa marble, may isang panig lang ng pader ang naiiba dahil gawa iyon sa totoong crystals.



Sosyal at talagang pang-mayaman ang mansyon ng aktres na si Ivana at ang bawat kwarto ay may chandelier, bagay na hilig rin nito. Ang ibang kagamitan roon ay nagmula pa raw sa Dubai at gayunman ay mapapansin na mukhang wala pa masyadong personal na gamit sa loob gawa nang hindi pa siya roon nakatira.

Dito sa Pilipinas naglalagi si Ivana at ang pamilya nito dahil na rin sa trabaho niya at ng kapatid na si Mona sa showbiz, kaya sa ngayon ay kinukumpleto pa lamang nila ang bahay hanggang sa dumating ang araw na doon na sila manirahan.



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *