“Mahalin Muna ang Sarili Bago ang Iba”, Ito ang Payo Nina Sunshine Cruz at Donita Rose sa Kapwa Single Parent Tulad Nila

Hindi madali ang maging magulang, ito ay isa sa pinakamalaking responsibilidad na kailangan matugunan dahil nakasalalay rito ang kinabukasan at ikabubuti o ikasasama ng mga bata. Mas mahirap itong gampanan lalo na kapag nag-iisa lamang ang isang magulang sa pagpapalaki ng kanyang mga anak dahil doble ang kanyang magiging trabaho. Sa panahon ngayon ay mas karaniwan na ang broken families kumpara noon at marami na rin namang maayos ang kasunduan sa pagitan ng dalawang magulang na hindi na nagsasama. Ang ilan sa mga artista ay hindi rin nagtagumpay sa kanilang buhay mag-asawa at ngayon ay solong pinapalaki ang kanilang mga anak, halimbawa rito ay sina Sunshine Cruz at Donita Rose.




Ang mga nakaraang taon para sa aktres na si Sunshine Cruz ay naging mahirap para rito lalo na mula noong nakipaghiwalay ito sa dating asawa na si Cesar Montano at nagkaroon pa ng mga intriga na sinasaktan siya nito nang pisikal.

Matagal ang naging proseso ng kanilang annulment ngunit sa awa ng Diyos ay naaprubahan rin ito ng korte noong taong 2018. Nasa poder niya ang kanilang tatlong magagandang anak na mga dalaga na ngayon at doon na lamang nito ibinuhos ang buong atensyon, kasabay ng pagbabalik nito sa showbiz. Inamin ng aktres na noon ay mas inuuna niya ang ibang tao ngunit ngayon ay napagtanto na nitong importante rin na isipin at atupagin ang kanyang sariling kapakanan.






Sa kasalukuyan ay masayang-masaya ito sa piling ng kanyang tatlong taon na nobyong si Macky Mathay. Ayon kay Sunshine ay nasa punto na sila ng kanilang buhay kung saan pareho silang marami nang napagdaanan kaya sinisikap nila na maging masaya na lamang tuwing sila ay magkasama. Sinusuportahan nila ang mga personal na pangarap nila at nagsisilbi silang inspirasyon ng isa’t-isa para maging best version ng kanilang mga sarili.

Payo nito sa mga katulad niyang nabigo na rin minsan sa pag-ibig ay ang mahalin ang sarili bago magbigay ng pagmamahal sa iba.

Sa kabilang banda, ibinahagi naman ni Donita Rose kung gaano ito nasaktan noong sila ay maghiwalay ng dating asawang si Eric Villarama dahil sa ibang babae. Valentine’s day noong taong 2015 nang tawagan niya sa cellphone ang kanyang dating asawa at nagkaroon sila ng bangayan na nauwi sa pag-amin ni Eric na may kinikita na nga itong iba.



Ayon kay Donita ay mukhang pareho lamang silang nagkagulatan sa nangyaring pag-amin nito noon. Makalipas ang dalawa’t-kalahating taon, matapos maaprubahan ang kanilang divorce, ay naging magkaibigan na rin sila ni Eric at tuluyang nakapag-move on. Mayroon silang nagbibinatang anak na nagngangalang Joshua Paul o JP na nasa poder ni Donita.

Nang tanungin ito kung ano ang advantage ng pagiging single parent, ang pabirong isinagot nito ay mas magaling na raw siyang umiyak ngayon.



Ayon rito, kailangan raw matutunan ang magpatawad para ma-appreciate ang pagiging single mom dahil ang galit at pagiging bitter ay walang maidudulot na maganda. Sa kabila ng lahat ay may dalawang lalaki umano ang nagpa-realize sa kanya na mayroon pang second chance para rito. In-e-enjoy na lang muna nito ang proseso ng panliligaw ng mga may interes sa kanya ngunit sa kasalukuyan ay wala pa siyang pinagbibigyan muli ng kanyang puso.

Sa ngayon ay may mga kaibigan raw ito at bukas ang pintuan niya upang makipagkilala sa isang taong may faith na katulad ng kanya.



Leave a Reply

Your email address will not be published.