Tinuruan ng Isang Guro na Mag-Ipon Challenge ang Kaniyang mga Estudyante Upang Matuto na Maging Responsable sa Pera

Ang Pilipinas ay mababa sa “financial literacy” o ang kaalaman sa tamang paghawak ng pera at karamihan sa mga Pilipino ay kung hindi kapos ang sweldo ay sinasagad naman ang gastos saka maghihintay na lang sa susunod nilang sweldo. Iilan lamang ang may totoong ipon at marami ang tila “allergic” sa mga insurance na maaaring makakatulong sa kanila upang maging mas handa sa ano mang posibleng mangyari.



Para sa gurong si Jeanne B. Olavire, importanteng ituro habang maaga pa sa mga bata ang tamang paghawak ng pera. Kaya naman, ang kanyang mga estudyanteng nasa grade 3 sa Roosevelt Elementary School sa may San Vicente, Gumaca Quezon ay tinuruan niya kung paano mag-ipon noong minsang matalakay nila ang aralin tungkol sa pagsunod sa panuto.

Isa sa mga proyekto na kanilang ginawa sa klase ay ang paggamit ng mga recycled na materyales upang gumawa ng alkansya, nakita ito ng guro bilang oportunidad na pwede nitong gamitin upang turuan ang mga ito na mag-ipon. Sinimulan nila ang ipon challenge na ito at dahil mga bata pa lamang ang mga ito ay kahit anong halaga ay maaari nilang itabi basta lamang may maipon ang mga ito.



Isang pampublikong paaralan ang pinapasukan ng mga ito kaya hindi ito sapilitang ipinagawa, gayunman ay hinikayat ng guro na magtabi kahit papaano ang lahat, kahit gaano man kaliit.

Bubuksan dapat nila ang mga alkasya sa kanilang Christmas party ngunit nagdesisyon silang i-urong at gawin na lamang sa katapusan ng school year.





Pagsapit ng unang Biyernes ng buwan ng Marso ay binuksan na nila sa wakas ang kanilang mga alkansya. Nais raw ibili ng mga bata ng souvenir ang perang kanilang naipon kaya naman tuwang-tuwa rin ang mga ito sa pagbibilang ng mga naipong barya.





Hindi man kalakihan ang kanilang mga naitabi ay malaking bagay na iyon para sa mga ito lalo pa at maiiwan sa kanila ang natutunan nila mula sa aktibidad na iyon.

Ang mga litrato kuha ng mga estudyante habang nagbubukas sila ng alkansya ay ibinahagi ni Teacher Jeanne sa CFO Peso  Sense na grupo sa Facebook. Sangayon ang mga netizens, lalo na ang mga magulang, sa nasabing post at nais nila na sana’y maituro ito sa bawat paaralan.



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *