Libreng Ipinahiram ng Designer ang Gown sa Isang Estudyanteng Nais Magrent Subalit 30 Pesos Lamang ang Kaniyang Budget

Isa sa pinaka-memorableng kaganapan sa High School ang JS Prom, ito ay ang isang gabing tila mula sa fairytale kung saan ang lahat ay magsusuot ng mga naggagandahang gowns at suits habang sumasayaw. Karamihan sa mga estudyante ay pinaghahandaan ito nang husto at ang kanilang mga isusuot sa gabing iyon ay pinapasadya na kahit ilang linggo pa bago ang pagtitipon.




Sa kasamaang palad, hindi lahat ng mga estudyante ay may kakayahang maglabas ng kakailanganing pera para lamang sa isang gabi kaya mayroong iilan ang hindi nakakadalo sa prom, ganito ang muntik nang mangyari sa isang estudyanteng walang sapat na pera kahit pang-renta man lang ng gown.

Sa isang Facebook post ng designer na si Rica Cariño Lopez, may-ari ng Ricahson Gowns and Suit Collection sa Pangasinan, ibinahagi nito na mayroong isang estudyante ang pumunta sa kanila isang araw upang magtanong kung magkano ang mga gown na pinaparentahan nila.



Nang sabihin nila ang mga pinaka murang presyo ng mga gowns ay halata raw sa mukha ng dalagita ang pagkadismaya sa mga presyong kanilang nabanggit.

Sunod nitong itinanong kung magkano ang kailangan para sa down payment at tila nahihiya nitong ibinulong kay Rica kung tatanggapin niya ang 30 pesos bilang kabayaran, bagay na labis na ikinagulat ng designer.

Ni hindi siya nakapagsalita agad at nakaalis na ang estudyante bago pa man niya namalayan. Napag-alamang pumapasok ang dalagita sa Mangatarem National High School.


Hindi maalis ni Rica sa kanyang isipan ang eksena at nahabag ito para sa dalagitang nais dumalo sa prom ngunit walang pera para makabili o makapagrenta man lang ng magandang gown.

Dahil hindi siya matahimik, nagdesisyon siyang magtanong-tanong tungkol sa dalagita at napag-alaman niya mula sa kalapit na shop kung sino ito at kung anong trabaho ng ina nito.


Hindi na binanggit kung ano ang nasabing trabaho ngunit madaling ipinatawag ang estudyante pabalik sa kanyang shop upang masukatan ito at maipagamit rito ang hindi lang basta-bastang gown kundi ang isa sa pinaka-magarbong gown na kanilang gawa.

Nasabi ng designer sa isang komento na ang pulang gown na kanilang ipinahiram sa estudyante ay naghahalaga ng 5000 pesos kada renta. Marami ang napahanga sa kabutihang loob na ipinakita ni Rica at lahat sila ay humihiling na maging mas maganda pa ang takbo ng negosyo nito.