Isang Supportive na Kuya, Mano-Manong Nilikha ang Gown ng Kaniyang Kapatid Para sa Prom Nito!

Ang buwan ng Pebrero at Marso ay panahon ng JS Prom ng mga mag-aaral na nasa High School, bagay na talaga namang inaabangan ng mga ito. Sa mahal ng mga bilihin ngayon ay maituturing na dagdag gastos ang ganitong mga kaganapan lalo na at kailangan pang magpatahi o magrenta ng isusuot para sa gabing iyon.




Ganito ang naging suliranin ng isang estudyante sa kanyang paparating na prom ngunit sa kabutihang palad ay madiskarte ang kuya nito at ito na ang gumawa mismo ng kanyang isusuot.

Ibinahagi ni Maverick Francisco Oyao sa kanyang Facebook ang naging step-by-step na proseso ng paggawa niya sa gown ng kapatid. Paglilinaw niya ay hindi ito isang designer, bagkus ay kumukuha ito ng Bachelor of Culture and Arts Education.






Limitado man kung maituturing ang kaalaman sa paggawa ng isang gown ay hindi ito nakahadlang sa kagustuhan niyang mapaligaya ang bunsong kapatid.

Unang iginuhit ni Maverick ang disenyo ng gown na alinsunod rin sa tema ng prom at nais ng kapatid, pagkatapos ay bumili na lamang sila ng materyales na kanilang kakailanganin. Royal blue at puti ang napili nilang kulay para rito.

Sunod siyang gumawa ng pattern at ginupit ang mga tela bago niya unti-unting binuo ang pinaka-palda ng gown. Mano-mano nitong inilagay ang bawat kaliit-liitang detalye at tinulungan rin naman siya ng kanyang kapatid sa ibang parte.





Ang pang-itaas naman ay pinintahan nila ng asul sa bandang bewang para magkaroon ng tila ombré effect at nilagyan nila ito ng agaw-pansin na palamuti na tila mga pakpak sa may balikat.

Limitado man ang oras ni Maverick gawa nang siya mismo ay isa ring estudyante, ngunit sa kabila ng lahat ay natapos nito ang gown sa loob ng mahigit isang linggo lamang, eksakto bago ang prom ng kapatid.





Pagsapit ng espesyal na gabing iyon ay masayang isinuot ng kapatid nito ang gown na kanyang pinaghirapan. Proud na proud naman ito sa likha at lubos ang kaligayahan dahil napasaya niya ang kanilang bunso sa pamilya. Panay ang kuha nila ng litrato habang suot ni bunso ang magarbong gown at ayon rito, bagama’t hindi nasungkit ng kapatid ang “Best Dress” award, para sa kanya ay para na rin siyang nagwagi dahil sinuot niya ang ginawang gown nito.






Marami ang napahanga sa ipinakita nitong pagmamahal para sa kapamilya at ang kwento nito ay isang patunay na nagbubunga ng maganda ang ano mang gawain kung ito ay gagawin nang buong puso.

Courtesy: Facebook/MaverickFranciscoOyao

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *