Na-touch at na-inspire ang lahat sa isang vlog na ginawa ni Saab Magalona tungkol sa kaniyang panganay na anak noong ipinanganak niya ito.
Gumawa ng isang vlog si Saab kung saan dedicated ito para sa kaniyang anak na si Pancho sa asawang si Jim Bacarro. Idinokumento niya ang karanasan ng kaniyang panganay na anak simula ng ito ay ilabas niya sa kaniyang sinapupunan.
Buwan ng Pebrero taong 2018 noong kinailangang ipanganak ng mas maaga sa due date ni Saab ang kaniyang twin babies na sina Pancho at Luna. Kinailangan niyang isilang ang mga ito dahil huminto ang puso ng kaniyang Baby girl na pangalan ay Luna.
Kinailangang mailabas agad ang bata dahil maaaring mauwi sa alanganin ang sitwasyon kung hindi ito maaagapan kaya naman kahit wala pa sa due date ay nailabas na sa mundo si Pancho.
Hindi na nila nailigtas si Luna at nalagay rin sa kritikal ang buhay ng mag-ina dahil sa nangyari. Nang makapag-paalam silang mag-asawa sa anak nilang nasawi ay pinayuhan sila ng doktor na magpaalam rin kay Pancho dahil mukhang hindi na rin ito magtatagal dahil sa kritikal na kondisyon nito.
Ngunit laking pasasalamat nina Saab ng unti-unting lumalakas ang kanilang Baby Pancho. Pa-unti unti ay rumiresponde ang katawan nito at lumalakas ang resistensiya.
Nakaligtas man ito ay nagkaroon pa rin ng mga komplikasyon si Pancho kagaya ng ventriculitis, pulmonary hypertension, sepsis at grade 4 intraventricular hemorrhage. Halos 17 na araw lang rin mula nang ipanganak ito ay sumailalim naman ito sa isang operasyon sa utak. Nalampasan nitong lahat iyon at matapos ang 58 na araw na ginugol nito sa ospital ay nailabas na nilang mag-asawa sa wakas ang bata.
Pagkalipas ng isang buwan na walang ano mang likidong nakita sa utak nito ay sumailalim muli ito sa isa na namang operasyon upang alisin ang shunt nito sa utak.
Pinayuhan rin sila ng kanilang doktor na posible raw magkaroon ng defect o abnormality si Baby Pancho sa kaniyang paglaki na dahil na rin sa ilang surgery nito.
Habang lumalaki si Baby Pancho ay napapansin nila na tila ba hindi pa ito nakaka-aninag ng mga bagay. Kaya naman sinabihan sila na posible raw itong hindi na makakita pa.
Sa kabutihang palad, isang araw ay bigla na lamang sinundan ng mga mata nito ang isang laruan at mula noo’y nagsimula na rin itong umabot ng mga bagay-bagay gamit ang mga kamay nito. Nag-alala rin ang mga doktor na baka may maging diperensya sa pagkilos ang bata ngunit hindi rin iyon nangyari dahil nakakilos naman si Pancho kalaunan.
Nitong nakaraang Pebrero ay nagdiwang na ito ng ikalawang kaarawan at ngayon ay isa na itong kuya sa nakababatang kapatid na si Vito. Patuloy itong lumalaban sa buhay at sa kabila ng lahat ng pinagdaanan nito sa napakamurang edad ay makikitaan pa rin ito ng lakas at natural na pagiging masayahin, kaya naman para sa kanyang pamilya ay isa itong tunay na superhero.