Iza Calzado, Ibinahagi na Willing Itong Mag-Donate ng Dugo Para Makatulong sa Ibang Pasyenteng Positibo sa Covid-19

Hindi nakaligtas ang aktres na si Iza Calzado sa hagupit ng COVID-19, nagpositibo ito sa virus noong ika-26 ng Marso at umabot ng isang linggo ang gamutan bago ito tuluyang gumaling mula sa sakit. Maswerte pa rin ito kung tutuusin dahil ayon sa doktor nito ay pwedeng umabot ng hanggang dalawang linggo o higit pa ang gamutan ngunit sa kabutihang palad ay hindi gaanong nagtagal ang aktres sa ospital. Ngayong mas maayos na ang lagay ni Iza ay nais naman nitong tumulong sa mga pasyenteng nanganganib pa rin ang buhay dahil sa coronavirus lalo na’t alam na alam niya ang hirap na pinagdadaanan ng mga ito .



Sa Facebook Live kasama ang Editor-In-Chief ng Preview na si Isha Valles nitong nakaraang April 9 ay ibinahagi ng aktres na magdo-donate ito ng dugo sa Philippine General Hospital (PGH) para sa mga pasyenteng nangangailangan nito. Nais nitong unahin ang PGH dahil ito ay center para sa COVID-19 at isa itong pampublikong ospital. Bago ito ay nauna nang nanawagan ang PGH noong April 3 sa mga survivors ng naturang sakit na magbahagi ng kanilang dugo upang magamit bilang eksperimentong panlunas para sa ibang pasyente.



Tinitingnan ng mga eksperto ang paggamit ng tinatawag na covalescent plasma therapy dahil nakatulong ang paraang ito sa ibang uri ng mga sakit. Ang makukuhang plasma ay magtataglay ng mga antibodies na lubhang makakatulong para mas mapalakas ang immune system ng taong sasalinan nito. Kung magiging 100% epektibo ang paraang ito ay malaking tulong ito para sa tuluyang paggaling ng mga pasyente lalo na sa mga kritikal ang kalagayan.




Mahigit isang linggo na mula nang makalabas sa ospital ang aktres at patuloy pa rin itong nagpapalakas sa loob ng kanyang tahanan. Umiinom umano ito ng mga supplements at ginagawa ang lahat upang mapanatiling healthy ang katawan nito, gayunman ay hindi nito nais pwersahin ang katawan.




Dahil sadyang mahilig sumayaw ay nawiwili itong mag-Zumba mula nang gumaling ito mula sa sakit ngunit dinadahan-dahan pa rin nito ang sarili upang hindi mabigla. Mas pinakikinggan na raw nito ang sinasabi ng kanyang katawan at payo nito sa mga tao ay atupagin ang healthcare at magpagaling sa bahay hangga’t kaya dahil ang gastusin sa ospital ay hindi biro.



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *