Sa panahon ng krisis kagaya ngayon, kapansin-pansin ang kabutihan ng loob ng karamihan. Mayaman man o hindi, marami ang nais tumulong at mamahagi ng kanilang mga natatanggap na biyaya sa kabila ng hirap na pinagdadaanan ng lahat, isa sa mga halimbawa na lang ang isang istasyon sa Sorsorgon.
Agaw pansin sa social media ngayon ang “kindness station” sa bayan ng Sorsogon sa may lalawigan ng Bicol dahil sa hindi pangkaraniwang paraan ng pagtulong sa mga nangangailangan nating kababayan doon.
Isa itong istasyon kung saan maaaring mag-donate ng mga pagkain kagaya ng bigas, kape, gatas, de lata at iba pang mga damit at kung anu-ano pa ang mga may mabubuting loob at doon rin mismo ay pwedeng magpunta ang mga lubhang apektado ng enhanced community quarantine, lalo na ang mga naapektuhan ang mga hanap-buhay, upang kumuha ng kanilang mga pangangailangan.
Ang motto ng kanilang grupo ay “Give, Share, Receive” at inaanyayahan nila ang kanilang mga kababayan na kumuha ng pagkain at iba pang mga kailangan ng mga ito kung walang-wala nang makuhaan ang mga ito.
Hindi raw sila dapat mag-alinlangan at mahiya dahil wala umanong manghuhusga sa kanila, sa katunayan ay nais nilang hindi matulog ng gutom ang mga ito. Hindi raw mayaman ang mga nagbibigay ng donasyon ngunit nais nilang ipamahagi ang ano mang mayroon sila lalo na at malaking bagay ang pagmamalasakit sa kapwa sa ganitong panahon.
Dalawang linggo na mula nang magsimula ang operasyon ng istasyon at mula noo’y mahigit 500 pamilya na ang kanilang natutulungan at patuloy pang umaakyat ang bilang sa pagdaan ng mga araw.
Sa kasalukuyan ay mayroon na ring ilan pang istasyon sa iba’t-ibang bahagi ng Sorsogon at nais ng mga taong nasa likod ng non-profit organization na ito na lumago pa nang husto ang kanilang programa upang mas marami pa ang mga taong kanilang matulungan. Layunin nilang magpakalat ng kabutihan at alisin sa ating mga puso ang pagiging makasarili. Para sa mga nais tumulong ngunit malayo sa probinsya ng Bicol ay tumatanggap rin ng pera bilang donasyon ang kanilang grupo, maaaring makipag-ugnayan sa mga ito at makakaasang ang tulong ay maihahatid sa dapat patunguhan.