Ang dating aktres na si Iwa Moto ay buong tapang na inamin sa isang post nito sa Instagram ang katotohanan tungkol sa kanyang mental health nitong nakaraang ika-6 ng Pebrero. Ibinahagi nito na na-diagnose ito na may Post-Traumatic Stress Disorder (PTSD), Bipolar na may kasamang severe panic attack disorder at Restless Leg Syndrome (RLS). Ang mga ito ang nagpapahirap sa kanyang araw-araw dahil kailangan niyang labanan ang mga ito upang maging normal ang takbo ng kanyang buhay.
Ang PTSD ay nangyayari sa isang tao kung mayroon itong karanasan sa nakaraan kung saan nakaramdam ito ng matinding stress o takot. Ang Bipolar disorder naman ay isang klase ng depresyon kung saan ang isang tao ay maaaring magbago na lang bigla ang mood, behavior at pag-iisip kahit walang dahilan. Ang RLS naman ay isang kondisyon kung saan hindi mapakali ang mga binti ng mayroon nito dahil may hindi maipaliwanag na pakiramdam sa mga iyon na nawawala lamang kapag nagagalaw ang mga binti. Kadalasan ay nangyayari ito sa gabi kapag nakaupo o nakahiga ang isang tao.
Ayon kay Iwa, nahihirapan siyang makatulog at gumising. Hindi rin nito halos kontrolado ang kanyang emosyon at kahit pilitin niya ay hindi na siya kasing-masayahin ‘di kagaya noon.
“Bipolar with severe panic attack disorder, PTSD and RLS. yup, I am diagnosed… and every day I struggle to live my life as normal as possible. It’s hard for me to wake up and sleep… to control my emotions. To be as jolly as I used to be. And to be ME. But everyday I fight my condition. I take my meds and i put on a smile. I am surviving everyday having mental health issues is hard. Esp with the stigma. But is ok… I have acccepted it and I AM OK with it. I am learning to live with, but at the same time doing my best not to be defined by my illness. I am striving to become a better version of me everyday. I AM A WARRIOR.”, pagbabahagi ng aktres sa kaniyang Instagram post.
Ang nais lang talaga niya sa ngayon ay ang makabalik sa kanyang dating sarili, kaya naman sa bawat araw na lumilipas ay tinitiyak niyang naiinom niya ang kanyang mga gamot at pinipilit rin niyang ngumiti kahit gaano pa man kahirap.
Tanggap naman umano nito ang sarili at sa kabila ng lahat ay patuloy siyang lumalaban upang hindi tuluyang magupo ng kanyang mga karamdaman.
Sadyang napakahirap nga naman talaga ang magkaroon ng problema sa mentalidad lalo na’t mayroon pa ring tinatawag na “stigma”, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.
Nakakadismaya man ay marami pa rin ang hindi itinuturing na seryosong bagay ang pagkakaroon ng depresyon at iba pang mga mental health disorders dahil para sa kanila ay nag-iinarte lamang raw ang mga nakakaranas nito. Mabuti na lamang sa kaso ni Iwa ay naging mabuti naman ang pagtanggap ng mga tao at sa katunayan nga ay dumagsa ang magagandang komento para sa ipinakitang katapangan at katatagan nito.