Halos buong mundo ay apektado sa ipinatupad na “Extensive Community Quarantine” o ECQ alinsunod na rin sa utos ng mga namumuno sa bawat bansa bilang isa sa mga hakbang upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng kinatatakutang virus na COVID-19. Dahil dito, maraming negosyo at kompanya ang nagsara na siya namang nagdulot para mawalan ng trabaho ang karamihan sa ating mga kababayan.
Sa kabutihang palad, mayroong ilang programa ang gobyerno para makatulong sa mga nawalan ng hanapbuhay kagaya na lamang ng tulong pinansiyal at mga relief goods. Samantala, ang ilang pribadong mga tao at sector ay hindi rin nagpatumpik-tumpik ay tumulong agad sa mga nangangailangan sa abot ng kanilang makakaya. Isa na nga dito ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard na naka-destino sa lungsod ng Cavite.
Ayon sa report, nagkasundo ang 44 miyembro ng PCG kabilang na ang militar, police at mga jail officers para bumili ng mga tray ng itlog na ipapamahagi nila sa ilang komunidad sa Cavite. Ang pera na kanilang ginamit para sa donasyong ito ay nagmula sa kanilang sariling bulsa at sila din mismo ang nagbahagi ng tulong sa bawat bahay ng napiling barangay.
Umabot nga sa mahigit limang-daang pamilya mula sa Barangay Medina at Kay-Apas sa Magallanes, Cavite ang nakatanggap ng mga tray ng itlog. Abot-langit ang pasasalamat ng mga mamamayang nakatanggap dahil malaking tulong na ito upang maibsan ang kanilang gutom sa bawat araw na wala silang hanapbuhay.
Maliban dito, nakatanggap din ang lokal na pamahalaan ng Cavite ng pinansiyal na tulong na 10,000 mula sa PCG upang magamit nilang pandagdag sa budget ng relief goods para sa komunidad.
Talaga namang hindi lang pagprotekta sa bayan ang layunin ng bawat miyembro ng PCG kundi upang makatulong din sa mga kababayan nilang nahihirapan. Maalala nga na maliban sa Cavite ay nagkaroon din sila pagkakataon na makatulong sa iba nating kababayan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Noong nakaraan ay nabahaginan ng mga Coast Guard na nagbabantay sa BRP Cape San Agustin ang 40-mangingisda na kanilang nasagip mula sa pagkakalunod ng kanilang bangka. Nakatanggap ng tag-500 ang bawat isa sa kanila na masayang nagpasalamat sa mga naka-unipormeng lalaki.