Para sa mga bansa sa Asya, ang bigas ay napakahalaga. Ito ang pangkaraniwang nakahain sa hapag-kainan sa araw araw, mula sa umaga at maging hanggang sa gabi. Mahirap man ang buhay, ang bawat pamilya ay nagsusumikap na may makain man lang na kanin dahil kahit gaano pa kasimple ang ulam, basta’t may kanin ay ayos na. Sa isang kahabag-habag na insidenteng namataan ng isang netizen ay makikita ang kahalagahan ng kahit isang butil ng bigas.
Namataan ni Kasthuri Patto ang isang lalaki sa labas ng kanyang tahanan sa may Batu Kawan, Malaysia na nagpupulot ng mga butil ng bigas sa kalsada. Sa kanyang pag-aalala ay nagdesisyon siyang lapitan ang lalaki upang tanungin kung ano ang nangyari. Nakita niya na isa-isang pinupulot ng lalaki ang mga bigas na nahulog sa kalsada.
Nagtataka ito kung bakit tinatyaga pa niyang pulitin ang bawat butil ng bigas samantalang napakahirap nitong pulutin lalo na at nasa kalsada na ito.
Nalungkot na lamang siya ng sabi ng lalaki na sayang raw kung hindi niya ito pupulutin dahil wede pa raw itong hugasan at lutuin.
“It’s okay, I can go back and wash it,’ saad ng lalaking pumupulot ng butil na bigas sa kalsada.
Napag-alaman na isang manggagawang dayuhan ang lalaki na hirap na hirap na sa sitwasyon mula nang maipatupad ang Movement Control Order (MCO) ng kanilang bansa noong ika-18 ng Marso sa kasalukuyang taon. Ito ay nagsisilbing hakbang ng kanilang bansa para maiwasan ang lalong pagkalat ng COVID-19 sa kanilang mga mamamayan.
“This gripped my heart. A foreign worker who has no income, scooping up some rice from the road. The packet had a hole and some rice split from it…” pagbabahagi nito.
Natigil ang trabaho at kabuhayan ng karamihan dahil sa MCO, kaya naman lalong naghirap ang mga taong umaasa lamang talaga sa kakaunti nilang sweldo mula sa kanya-kanya nilang trabaho.
Ang lalaking nakita ni Kasthuri ay isa sa mga halimbawa ng mga lubhang apektado ng krisis at kung kailan naman ito nakabili ng kakarampot na bigas na pangkain sana nito at ng kanyang pamilya ay saka naman nabutas ang supot na dala-dala nito.
Imbes na iwanan na lamang ang nahulog na bigas dahil madumi na iyon kung tutuusin ay isa-isa nitong pinulot ang bawat butil. Ayon rito ay maaari pa rin naman daw makain ang bigas, kailangan lamang raw iyon hugasan nang mabuti.
Nahabag si Kasthuri sa lalaki kaya kinuhaan niya ito ng litrato upang maibahagi sa social media. Nais niyang mapagtanto ng mga tao kung gaano sila kaswerte kung sila ay hindi namomroblema sa pagkain kagaya ng lalaki.
Sa kabilang banda naman ay umaasa ang mga netizens na sana ay hindi lamang kinunan ng litrato ang lalaki kundi binigyan rin daw sana ito ng kaunting tulong kagaya ng pagkain. Walang patunay kung ano ang ginawa ni Kasthuri, gayunman ay nabanggit nito na dapat magtulungan tayong lahat lalong-lalo na sa krisis na kagaya ng nangyayari sa kasalukuyan.