Marcelito Pomoy, Pinagawan ang Isang Lola ng Maayos na Tirahan sa Loob Lamang ng Apat na Araw!

Mahalaga sa buhay ng isang tao ang pagkakaroon ng komportableng bahay na siyang magiging kanlungan at panangga niya sa init ng araw at ulan. Ngunit hindi lahat sa ating mga kababayan ay nakakamit ang ganitong ginhawa sa buhay at patuloy na nagtitiis matulog sa kalye o di kaya naman ay sa sira-sirang tahanan. Isa na nga dito ang matandang babae na kamakailan lang ay naging viral sa social media nang ibahagi ng isang concerned netizen ang kaniyang kwento.




Ayon sa kay Aiza Hernandez, si Lola Aurora ay nakatira sa maliit na kubong gawa sa pinagtagpi-tagping dahon ng niyog at ilan pang materyales sa loob ng sampung taon!

Wala ng pamilya si Lola Aurora at mag-isa nalang siya sa buhay. Matagal na rin siyang palipat-lipat ng tirahan hanggang sa nagdesisyong mamalagi sa lugar kung saan nakapagpatayo siya ng maliit na barong-barong sa tulong na rin ng mga mabubuti niyang kapitbahay.




Sa mga larawan na ibinahagi ni Aiza ay kapansin-pansin na halos tabingi na ang porma ng bahay ng matanda at sinusuportahan nalang ito ng mga kahoy na nakatukod sa bawat gilid kaya naman, hindi maiwasan ng mga netizens na maawa sa kaniyang kalagayan.

Isa na nga sa mga netizens na ito ang sikat na singer na si Marcelito Pomoy. Nang makita ang nasabing viral post sa social media ay agad gumawa ng aksyon si Marcelito at nagtungo sa Quezon province kung saan nakatira ang matanda. Sa tulong ni Aiza ay sinimulan nga nila ang sorpresa para kay Lola Aurora.


Matapos gibain ang lumang bahay ay mabilis na naitayo ang isang bago at mas matibay na tirahan para sa matanda. Sa tulong ng mga kapitbahay ay naipagawa nga ni Marceito ang kulay pulang tahanan sa loob lamang apat na araw!



Hindi pa dito nagtatapos ang kaniyang sorpresa dahil sinigurado niya ring kumpleto ang mga kagamitan ng matanda sa loob kagaya na lamang ng higaan, mesa at upuan. Mayroon ding sariling palikuran sa loob at kusina.

Abot-langit ang pasasalamat ni Lola Aurora na halos maiyak habang kinakausap siya ni Marcelito. Maging ang mga kapitbahay ng matanda ay nakatanggap din ng kaunting tulong mula sa singer at isa-isa silang nabigyan ng relief goods.

Talaga namang nakakatuwang makakita ng ganitong mga balita kung saan natutulungan ang ating mga kababayan na nangangailangan. Ngunit mas mainam kung maging tayo ay gagawa rin ng aksyon upang makapagbahagi ng tulong sa iba sa abot ng ating makakaya.



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *