Nagbunga ang Sipag ng Estudyanteng ito na Sumasideline Bilang Construction Worker, Nakapagtapos Ngayon at Valedictorian pa!

Sa pag-abot natin ng ating mga pangarap sa buhay, maaring kakaunti lang ang mga taong maniniwala at susuporta sa atin. Kadalasan, mas maraming pupuna at magsasabi ng mga negatibong salita na sa halip na makatulong ay maaari pang magdulot ng paninira. Ganoon pa man, hindi ito madalas binibigyang pansin ng mga taong determinado sa pag-abot ng kanilang pangarap kagaya na lamang ng isang lalaki na naging viral sa social media dahil sa kaniyang mga na-achieve sa buhay.



Nakilala siya bilang si Michael Español at sa murang edad ay namulat na siya sa hirap ng buhay. Nakatira sila sa Gueguesangen, Mangaldan sa Pangasinan at ang kaniyang ama ay nagtatrabaho bilang isang messenger na sumasahod ng 10,000 kada buwan. Samantala, ang kaniyang ina naman ay nagtatahi ng mga damit ngunit wala ring regular na sahod.





Kaya naman, bilang panganay, minabuti ni Michael na magtrabaho bilang construction worker kung saan kumikita siya 250 pesos kada araw sa tuwing walang pasok upang kahit papaano ay makatulong sa kanilang mga gastusin.

Iniipon niya ang mga sahod na kaniyang natanggap sa pag-extra bilang construction worker at ito ang kaniyang ginagamit pambili ng uniform at school supplies para sa pasukan.

Kung may extra time ay doon lamang ito nagta-trabaho dahil priority pa rin ni Michael ang kaniyang pag-aaral at patuloy na nagsusumikap para sa kaniyang mga pangarap.

 “Meron pong mga taong hindi naniniwala sa atin. So payo ko po sa inyo, ‘wag na po natin silang intindihin at mag-focus lang tayo sa goals natin,” pahayag ni Michael na minsan ay nakakaranas ng pangkukutya mula sa ilang mga tao.



Nagbunga nga ang kasipagan na ginawa ni Michael na nag-aaral sa Gueguesangen Integrated School at maliban sa magagandang grado ay kabilang din siya sa ilang mga extra-curricular activities. Nagtapos siya bilang Valedictorian ng kanilang klase at halos hindi makapaniwala ang ilan na kaya niya itong gawin. Ganoon pa man, saludo sa kaniya ang kaniyang mga guro at ilang kamag-aral lalong-lalo na ang kaniyang mga magulang.





       “Nagpapasalamat ako sa anak ko na kahit hirap na hirap kami, nakapagtapos siya nang ganu’n,” pahayag ni Tatay Marlon na halos maiyak sa saya.






Nagsilbi ngang inspirasyon si Michael sa nakararaming estudyante at nagbigay ng magandang halimbawa na huwag mawalan ng pag-asa sa buhay dahil laging mayroong paraan para maabot natin ang ating mga pangarap.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *