Nasurpresa ang Estudyanteng Ito sa Quarantine Graduation Ceremony na Plano ng Kaniyang Pamilya Para sa Kaniya

Dahil sa higpit ng ipinatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) na tumagal ng mahigit kumulang dalawang buwan ay tila huminto pansamantala ang buhay ng bawat isa sa atin. Ang lahat ay kinailangang manatili sa kani-kanilang mga tahanan upang masunod ang tinatawag na “social distancing” kaya naman pinagbawal ang maramihang pagsasama-sama ng mga tao sa iisang lugar, kabilang na rito ang sa trabaho, eskwelahan, mga handaan, reunion at pati na ang mga mahahalagang seremonya kagaya ng kasal, binyag o graduation ng mga mag-aaral.



Dahil rito, maraming mga estudyante ang nalungkot nang husto dahil ang pinakahihintay nilang araw ay hindi na naganap, kabilang na rito ang noo’y Grade 12 na estudyanteng si Clarisse Velasco.


Natapos na ni Clarisse ang Senior High ngayong taon ngunit imbes na makapag-marcha sa entablado ay walang seremonyang naganap, ni hindi niya nagawang makapagpaalam man lang sa kanyang mga kaklase at kaibigan kaya naman ganoon na lang ang lungkot na kanyang nadama.





Napansin ito ng kanyang pamilya, kaya naman ang naisip na paraan ng mga ito upang mapaligaya siya kahit papaano ay ang gumawa ng sarili nilang graduation ceremony.

Kumpleto ang naging set up ng mga ito mula sa graduation march na kantang kanilang pinatugtog hanggang sa improvised nilang puting toga na kanila namang ipinasuot kay Clarisse. Naghanda rin sila ng munting programa kung saan inalala nila ang mga magagandang nangyari rito habang nasa High School.



Talagang nasorpresa si Clarisse sa ginawang iyon ng kanyang pamilya at kahit na iba pa rin ang tunay na graduation ay napasaya pa rin siya nang todo ng kanyang mga mahal sa buhay. Mayroon rin itong natanggap na malaking bouquet ng sunflowers at isang DIY na diploma na mula rin sa mga ito. Pagkatapos naman ng programa ay nagpakuha rin silang buong mag-anak ng litrato upang magsilbing munting souvenir nila para sa araw na iyon.



Ang nakakatuwang kaganapang ito ay ginanap lamang sa loob ng kanilang tahanan sa Fairview at ang mga kuhang litrato naman ay ibinahagi sa Facebook ng proud na Lolo ni Clarisse na si Henry Alvir. Buong pagmamalaki pa nitong sinabi na produkto ng School of the Holy Spirit sa Quezon City ang apo at balak nitong maging doktor sa hinaharap. Ang pangyayaring ito ay isa na namang patunay na iba pa rin talaga magmahal at sumuporta ang pamilya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *