Inspiring Story ng Security Guard Noon, Nag-aral at Isa Nang Guro Ngayon

Marami ang nakakakilala sa Security Guard na si Erwin Macua matapos nitong maging viral sa social media dahil sa pagtatapos niya bilang Cum Laude ng kanilang klase. Napanood na rin siya sa isang TV commercial at talaga namang nagbigay ng inspirasyon sa nakararami.



Sa kabila kasi ng pagtatrabaho niya bilang security guard sa paaralan ng St. Theresa’s College (STC) sa Cebu City ay ipinagpatuloy niya ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral at nag-enroll sa mismong paaralan kung saan siya nagtatrabaho.





Hindi naging hadlang kay Erwin ang pagod at puyat sa pagsasabay ng trabaho at pag-aaral. Sa halip ay nagsilbi pa itong inspirasyon para mas lalo niyang pagbutihan ang kaniyang ginagawa upang makamit ang tagumpay na kaniyang inaasam-asam.

Noong una ay hindi naging madali ang lahat at maging ang panganay niyang anak ay tutol sa kaniyang ginagawa. Ganoon pa man, naipaliwanag ng maayos ni Erwin sa anak ang dahilan ng kaniyang pagsisikap kaya naman sa huli ay suportado na siya nito. Samantala, ang kaniyang mga kamag-aral at guro ay tuwang-tuwa na makita siya sa klase dahil maliban sa pagiging kwela ay magaling din ito sa akademiks.





Nagbunga nga ang lahat ng pagsusumikap ni Erwin at noong taong 2017 ay nagtapos siya bilang Cum Laude sa kursong Education. Hindi pa dito nagtatapos ang magagandang balita sa kaniyang buhay dahil nakapasa din siya sa isinagawang Licensure Examination for Teachers (LET) noong buwan ng Nobyembre ng parehong taon.




Sa ngayon ay nagagamit na ni Erwin ang lahat ng kaniyang natutunan sa paaralan at kung noon ay abala siya sa pagsisiguro ng kaligtasan ng mga bata sa St. Theresa’s College bilang isang security guard, ngayon ay kabilang na siya sa mga guro. Siya ang nagtuturo ng Araling Panlipunan at Work Education (dating Home Economics and Livelihood Education) sa mga Grade 2 students sa paaralan. Mabilis siyang napalapit sa mga bata dahil noon pa man ay kilala na siya ng mga ito.

Talaga namang walang hadlang sa pag-abot ng ating mga pangarap lalo na kung buo ang ating loob at lahat ng paraan ay ating sinusubukan. Kagaya na lamang ni Erwin Macua na hindi alintana ang kaniyang edad at sinasabi ng ibang tao at sa halip ay ipinagpatuloy ang kaniyang mga plano para siya ay umasenso.



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *