Sa halos tatlong buwang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong isla ng Luzon at iba pang parte ng bansa ay natigil ang normal na takbo ng pamumuhay ng mga tao. Lubhang apektado ang pag-aaral ng mga bata, iba’t-ibang mga negosyo at ang trabaho ng mga manggagawa. Ang mga barber shops at beauty salons ay ilan lamang sa mga napilitang itigil ang operasyon kahit pa noong mula ECQ ay nauwi na ang Metro Manila sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), kaya naman ang mga empleyado sa mga ito ay tuluyang nawalan ng hanap-buhay.
Isang post sa Facebook page na CFO PESO SENSE ang nag-viral matapos gulatin ng isang misis ang kanyang asawa sa malaking perang naitabi nito bago pa man mangyari ang nasabing krisis.
Isang barbero ang kanyang asawa at marami-rami rin itong mga naging kliyenteng may kaya sa buhay, kaya naman may kalakihan rin ang naiuuwi nitong pera mula lamang sa mga tip na natatanggap sa araw-araw.
Sa kanilang napagkasunduan mula pa noon ay sa kanya napupunta ang mga natatanggap nitong tip, na kadalasan ay mahigit kumulang 1500 pesos kada araw, habang ang sweldo naman nito ay maaari nitong mahawakan nang buo.
Siya rin ang bahala sa mga kakailanganin ng kanilang mga anak sa hinaharap, habang siya naman ang bahalang mag-budget para sa pang-araw araw nilang gastusin sa bahay.
Dahil sa ECQ, lubhang apektado ang naging trabaho ng asawa bilang Barbero kaya naman labis ang naging pag-aalala nito kung saan sila kukuha ng panggastos. Sa pagdaan ng mga araw ay napansin umano ng kanyang asawa na masasarap pa rin ang mga pagkaing naihahain niya sa kanilang hapag-kainan na tila ba’y wala silang kaproble-problema sa pera, kaya naman nagtaka na ito.
Nang tanungin siya nito ay ipinakita niya ang naipon niyang pera noong mga panahong may trabaho pa ito at noong bilangin naman nila iyon ay umabot ang pera ng 217,000 pesos.
Proud na proud ang kanyang asawa dahil mayroon itong masinop na misis na kagaya niya at masaya rin sila dahil kahit papaano ay mayroon silang mahuhugot na pera lalo na ngayong kailangang-kailangan nilang mag-anak iyon para sa kanilang araw-araw na gastusin.
Gayunman, ang perang iyon ay kailangan pa rin nilang gastusin nang tama dahil wala pa ring kasiguraduhan kung hanggang kailan ang pinagdadaanang krisis, hindi lamang ng ating bansa kundi maging ng buong mundo.